Recent Posts

Breaking News

Pemberton inatras apela, nagbayad ng P4.6M danyos sa pamilya ni Laude

Nagbayad ng P4,655,250 danyos si US convict Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton sa pamilya ng kanyang pinatay na transwoman na si Jennifer Laude.

Ginawa ang pagbabayad, Agosto 26, 2020, matapos bawiin ni Pemberton ang apela niya sa hatol ng Supreme Court.

Matatandaang natagpuang patay si Laude sa isang motel sa Olongapo City, Zambales noong Oktubre 11, 2014. Inamin ng Kano sa korte na sinakal at pinatay niya ang transwoman.

Nagbigay ng tseke ang counsel ng US convict na si Atty. Rowena Garcia-Flores kay Judge Roline Ginez-Jabalde ng Regional Trial Court Branch 74 sa lungsod.

Inatasan ang Kano na magbayad nang P4.3 milyon para sa loss of earning capacity ng pinaslang na transwoman nang sinentensiyahan ang nauna ng anim hanggang 10-taong pagkakakulong.

Pinagmulta rin si Pemberton nang P30,000 para sa exemplary damages at tig-P50,000 para sa civil indemnity at moral damages.

Samantala, naghain ng urgent motion si Garcia-Flores upang kagyat na palayain ni Ginez-Jabalde si Pemberton dahil umano sa ‘good conduct’ credits nito.

Sabi ng counsel ni Pemberton, dapat daw pinalaya na ang Kano noong Hulyo 31 matapos nitong silbihan “na may good behavior” ang higit kalahati sa 10-taon nitong sentensiya.

The post Pemberton inatras apela, nagbayad ng P4.6M danyos sa pamilya ni Laude first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pemberton-inatras-apela-nagbayad-ng-p4-6m-danyos-sa-pamilya-ni-laude/)

Walang komento