Recent Posts

Breaking News

Paralegal ng Anakpawis dinakip ng pulis

Inaresto ng awtoridad ang isang paralegal ng Anakpawis Partylist na sinusubaybayan ang labi ng pinaslang na National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant na si Randall “Randy” Echanis.

Sa isang tweet kaninang madaling-araw, sinabi ng Anakpawis na dinakip si Pao Colabres matapos puwersahang kuhain ng La Loma police ang bangkay ni Echanis.

Dinala umano ang paralegal sa Camp Caringal para kasuhan ng “obstruction of justice”.

Agosto 10 ng umaga, sinabi ng Anakpawis na pinaslang si Echanis, 72, at isang hindi kilalang kapitbahay. Mayroong stab at gunshot wounds ang bangkay ni Echanis.

Ayon kay dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, nasa medical treatment si Echanis at hindi armado nang i-raid ng kapulisan ang bahay nito.

Giit naman ni QCPD chief Police Brigadier General Ronnie Montejo, hindi kabilang si Echanis sa mga kinitil. Sa isang initial investigation, sinaad ng hepe na ang dalawang biktima ay nakilalang Louie Tagapia, 48, at isang Manuel Santiago.

Pero kinumpirma na ng balo ni Echanis na si Erlinda, na ang asawa niya nga ang namatay.

Sabi rin ni Erlinda, sapilitang kinuha ng ilang parak ang labi ng kanyang asawa mula sa punerarya.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paralegal-ng-anakpawis-dinakip-ng-pulis/)

Walang komento