Recent Posts

Breaking News

Para iwas goyo! Lapid nilalakad online library ng mga batas

Naniniwala si Senador Lito Lapid na mahirap para sa isang tao ang walang alam sa batas.

Kaya naman naghain ito ng Senate Bill No. 1751 na naglalayong makabuo ng isang National Legal Knowledge and Assistance System na magiging available online, kung saan maaring makita ang lahat ng pwedeng mabasa ukol sa iba’t ibang batas at regulasyon sa Pilipinas.

Ang nasabing system ay ipapatoka sa Department of Justice (DOJ), sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para magamit ng bawat Pilipino sa buong bansa.

Lalamanin din ng nasabing system ang iba’t ibang treaty at international convention kung saan kasama ang Pilipinas, maging ang ilang common na term at paliwanag sa usaping legal na isasalin sa Ingles, Filipino at iba pang dayalekto sa bansa.

“Sabi nga nila, hirap ang taong walang alam sa batas. Kaya para masiguro nating maibibigay ang karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng sapat na kaalaman kaugnay sa mga batas at iba pang alituntunin na pinaiiral sa ating bansa, dapat na may bukas na panggagalingan ang mga datos na ito,” ayon kay Lapid.

Nakikita ng mambabatas ang importansya sa nasabing legal online system para sa mga Pinoy na may problema pagdating sa kanilang kasal, mana, violence against women and children, mga titulo at pagpaparehistro ng lupa, loan, amilyar, at iba pang usaping legal.

“Sa ngayon wala pang website na nagbibigay ng updated at libreng impormasyon kaugnay sa ating konstitusyon at mga usapang legal. Maging ang simpleng mga termino na maipaliwanag sana sa ating mga kababayan sa salitang naiintindihan nila ay malaking tulong para lahat tayo, kahit hindi abugado ay may alam sa ating mga karapatan at hindi tayo basta maloloko,” dagdag ni Lapid.

Sa naturang bill, nakasaad din na kailangang makipagtulungan ang DOJ sa ilang institusyon tilad ng National Library, Presidential Museum and Library, Senate at House of Representatives Library, Supreme Court Library, Office of the National Administrative Register of the UP Law Center, para sa digitalization at shared access ng kanilang mga libro, dokumento at resources.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/para-iwas-goyo-lapid-nilalakad-online-library-ng-mga-batas/)

Walang komento