Recent Posts

Breaking News

Panelo kay Bishop Pabillo: ‘Wag makisawsaw sa politika!

Pinagsabihan ng Malacañang si Manila Bishop Broderick Pabillo na dumistansiya sa politika.

Ang pahayag ay ginawa ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo sa kanyang programang “Counterpoint ” bilang sagot sa sermon ni Pabillo nitong Linggo sa San Felipe Neri Parish sa Mandaluyong City na nagsabing nakakalungkot dahil mas inaatupag ng gobyerno ang isyu sa death penalty sa halip na tugunan ang problema sa COVID-19, at ito umano ay nakakahiya.

Sinabi ni Panelo na sa halip makisawsaw sa politika ay dapat tumutok na lamang ang obispo at mga pari sa pagdarasal.

Ipinaalala ni Panelo kay Pabillo ang sinabi ni Pope John Paul II na ang mga pari ay hindi social o political leaders.

“Hindi talaga mapigilan itong si Bishop Pabillo eh. Hindi kayo mga lider politika, kayo’y mga pari. Huwag kayong mag-ilusyon na pag kayo’y nakialam sa problema ng pamahalaan ay nabibigyan niya ng pagpapahalaga ng gospel,” ani Panelo.

Sa halip na makisawsaw sa usaping pang-gobyerno, pinayuhan ni Panelo si Pabillo na tutukan na lamang ang pagpapagaling mula sa COVID-19 at pagdarasal.

Mas matutuwa aniya ang publiko kung gagamitin ni Pabillo ang kanyang panahon sa mga makabuluhang bagay gaya ng pagbibigay paalala at payo sa mga tao na sundin ang basic health protocols gaya ng pananatili sa bahay, magsuot ng face mask, face shield, paghugas ng kamay at pagsunod sa social distancing.

“Eh siguro concentrate na lang kayo sa pagpapagaling n’yo at saka ‘yung pagdarasal,” dagdag ni Panelo.

Si Pabillo ay isa sa mga kritiko ng Duterte administration na miyembro ng simbahan.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panelo-kay-bishop-pabillo-wag-makisawsaw-sa-politika/)

Walang komento