Recent Posts

Breaking News

P10B kubeta, kalsada ng Kamara butata sa Senado

Hinayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hinarang nila sa bicameral conference ng Bayanihan 2 ang tangkang pag-allocate ng Kamara ng P10 bilyon para sa dagdag na mga kubeta at mga kalsada.

“Ito ang mahabang diskusyon na nangyari, dahil ang ibig ng mga kongresista ay ilagay ito sa pagpapatayo ng kubeta at kalsada,” ani Drilon sa panayam sa radyo.

“Ang Senado naman ay ipinaglaban natin ‘yung position ng DOT (Department of Tourism) na ito ay tulong sa pamamagitan ng soft loans para doon sa mga maliliit na kumpanya na nagsara o nahirapan sa COVID-19 pandemic,” dagdag nito.

Ayon kay Drilon, hindi kailangan ng kubeta at kalsada sa panahon ng pandemya, bagkus dapat bigyan ng tulong ang mga nawalan ng trabaho ang mga manggagawa ng industriya ng turismo na naapektukhan ng COVID-19 pandemic.

“Kasama ang debate sa aming trabaho. At the end of the day, nagkasundo kami kung paano gagastusin ang pera para sa turismo. Hindi po kubeta at kalsada ang gagawin kung hindi ibibigay sa mga manggagawa na natanggal at nawalan ng trabaho at para doon sa mga kumpanya sa tourism industry,” sabi ni Drilon.

Muling iginiit ni Drilon na ang P10 bilyong tulong para sa tourism industry ay nananatiling intact.

Sa naturang halaga, P6 bilyon ang inilaan para sa pautang ng mga small tourism player, P3 bilyon sa mga nawala ng trabaho at P1 bilyon naman sa infrastructure na pamamahalaan ng Deparment of Public Works and Highways.

Niratipikahan na ng Senado ang P165.5 billion Bayanihan 2 bill o panukalang Bayanihan to Recover as One Act noong Huwebes. Ang Kamara ay sa Lunes pagtitibayin ang panukala.

The post P10B kubeta, kalsada ng Kamara butata sa Senado first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p10b-kubeta-kalsada-ng-kamara-butata-sa-senado/)

Walang komento