Recent Posts

Breaking News

‘Ospital na may 18 kama, nakakuha ng P10M sa PhilHealth’

May iba pa umanong “money-making schemes” sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), kabilang ang 18-bed hospital na nakatanggap ng P10 milyon mula sa ahensiya kahit wala itong COVID-19 case.

Sabi pa ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, may mga clinic at opisyales na naghahati-hati sa “rebates,” at may mga hindi kwalipikadong tauhan na hawak ang key positions sa PhilHealth.

Ang mga ito aniya ay tatalakayin ng Senado sa pagpapatuloy ng kanilang pagdinig hinggil sa mga umano’y iregularidad sa state-run health insurer.

“Biruin mo, nahalungkat namin sa isang lugar sa Davao may isang infirmary diyan, 10-bed capacity lang, 10 kama lang po siya, pero nakakatanggap ng P10M sa PhilHealth, wala naman silang COVID,” ani Zubiri, Linggo.

Nang kulitin ng mga reporter, sinabi ng senador na ang tinutukoy niya ay ang Golingay General Hospital sa bayan ng Malalag sa Davao del Sur.

Napag-alaman na hindi 10 kundi 18 kama ang mayroon sa nasabing tertiary hospital.

Kabilang ito sa top seven highest paid facilities sa Davao region para sa mga pneumonia claim sa mga nakalipas na taon.

Batay sa pinresenta ni Zubiri na PhilHealth document, nakakolekta ang ospital ng pneumonia claims na nagkakahalagang P18 milyon noong 2014 at halos P10 milyon sa unang semestre ng 2015.

Opisyal na aniyang inimbestigahan ang kaso pero “wala pa rin nangyari.”

“Dapat buwagin na ang mafia dyan sa PhilHealth. Nako-cover up nila ang corruption. Maraming schemes yan, meron rebate scheme yan, ghost patients scheme yan, overpricing ng IT (information technology),” sabi pa ng senador.

Matatandaang sinabi ni dating PhilHealth anti-fraud legal officer Thorsson Montes Keith na nasa P15 billion sa pondo ng ahensiya ang binulsa ng mga tiwaling opisyales ng PhilHealth.

Aniya pa, kabilang ang lahat ng mga bumubuo sa PhilHealth’s executive committee sa “mafia” na humuhuthot sa state corporation nang ilang taon na.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ospital-na-may-18-kama-nakakuha-ng-p10m-sa-philhealth/)

Walang komento