Recent Posts

Breaking News

Online class dapat pa ring isuspinde kapag may bagyo – meteorologist

Kailangan pa rin umanong ipagpaliban ang mga klase sa bansa kahit online na ito kapag inangat na ang storm warning signal sa panahon ng tag-ulan.

Ayon ito kay Kapuso meteorologist Nathaniel “Mang Tani” Cruz.

“’Pag may signal, may bagyo, eh talaga naman pong palagay ko dapat isuspende rin kahit online. Kasi ang inuuna natin ay ang kaligtasan. Hindi normal kapag may bagyo, may signal. Kaya dapat lahat nakahanda,” aniya sa Dobol B sa News TV.

“‘Yung signal ng internet, ‘yung communication facilities, pwedeng maapektuhan ng papalapit na bagyo, dumaraang bagyo. And ang pinakamahalaga ‘yung mga bata dapat talaga naka-I Am Ready sila dahil may bagyong dumaraan, may signal… Malakas na hangin, malakas na ulan, posibleng magbaha, ay hindi puwedeng normal lang din na nag aaral ka,” sambit niya pa.

Samantala, posible aniyang ituloy ang klase sa mga lugar na hindi apektado ng bagyo.

Inusog ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Department of Education, ang pagbubukas ng School Year 2020-2021 mula Agosto 24 patungong Oktubre 5.

Bawal pa rin ang face-to-face classes sa harap ng COVID-19 pandemic kaya tinutulak ng gobyerno ang distance learning, o pag-aaral sa pamamagitan ng printed at digital module, online class, telebisyon, at/o radyo.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/online-class-dapat-pa-ring-isuspinde-kapag-may-bagyo-meteorologist/)

Walang komento