Recent Posts

Breaking News

Morales ‘di na kailangang makipag-usap kay Duterte – Roque

Walang nakikitang pangangailangan para makipagkita at makipag-usap pa kay Pangulong Rodrigo Duterte si Philippine Health Insurance Corporation President Ricardo Morales.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na gumugulong naman ang imbestigasyon ng Task Force ng Department of Justice (DOJ) na siyang inatasan ng Pangulo para mag-imbestiga sa kontrobersiya sa PhilHealth.

May sariling kapangyarihan aniya ang Task Force para mabusisi kung ano man ang dapat malaman sa PhilHealth partikular ang umano’y katiwalian sa pondo ng ahensiya.

Pero nilinaw ni Roque na bukas ang pinto ng Malacañang para sa sinoman.

“Bukas naman ang pinto ng Malacañang para kanino pero umuusad na iyong imbestigasyon at sigurado naman po ako na dahil binuo iyan ni Presidente,”ani Roque.

Hintayin na lamang aniya ang resulta ng imbestigasyon ng Task Force dahil ang komposisyon naman nito ay mga ahensiyang talagang nagbubusisi ng mga iregularidad at mga anomalyang may kinalaman sa pondo sa mga ahensiya ng gobyerno.

“May sariling buhay at identity ang task force na yan,” dagdag ni Roque.

Nauna rito inihayag ni Morales na naghahanap ito ng tiyempo para sa isang heart-to-heart talk sa Pangulo kaugnay sa kontrobersiya sa pondo ng PhilHealth.

Ang binuong Task Force ng DOJ ay mayroong 30 araw para maglabas ng resulta ng inbestigasyon matapos itong ipag-utos ni Duterte noong August 7, 2020.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/morales-di-na-kailangang-makipag-usap-kay-duterte-roque/)

Walang komento