Recent Posts

Breaking News

Mga private school bagsak ang enrollment sa 1.2M

Napakalaki ng ibinaba ng enrollment sa mga pribadong eskuwelahan ngayong School Year 2020-2021 dahil na rin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19 pandemic, ayon sa isang opisyal ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA).

Sa panayam sa Teleradyo Lunes ng umaga kay Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng COCOPEA, inihayag nito na 1.2 milyon lamang ang naitalang enrollment sa mga pribadong paaralan o nasa 36% lamang aniya kumpara sa 4.3 milyon noong nakaraang taon.

“Napakababa po. Ready tayo sa challenges ng pag-deliver ng education, ang problema `yong enrollment napakababa,” sabi ni Estrada.

Inamin din nito na marami umano sa kanilang mga miyembrong eskuwelahan ang nag-iisip na itigil na lamang ang operasyhon at mayroon ding ilan ang nagsara na. Subalit umaasa umano sila na mababago pa ang mga numero kapag natapos na ang enrollment period.

Sinabi pa ni Estrada na umaasa rin ang mga pribadong eskuwelahan sa ayudang ibibigay sa kanila sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act o Bayanihan 2.

Layon ng Bayanihan 2 na pondohan ang iba’t ibang sektor para itulak ang pagbangon ng bansa mula sa pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic.

“Actually, ang ayuda doon na aming inaasahan hindi diretso sa mga private schools kundi ayuda para sa mga apektado na mga teachers at school personnel at yong expansion ng mga tuition subsidy para sa mga bata.

Dahil siyempre 70% ng aming cost of operation sa suweldo yan ng personnel so malaking bagay `yon kung meron nang diretso sa kanila na subsidy ganundin sa mga estudyante dahil ang aming operations umaasa sa tuition payment kung merong kahit maliit lang na subsidiya palagay ko mag-i-improve ang aming enrollment, maraming makakapagpatuloy sa kanilang pag-aaral,” paliwanag ni Estrada.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-private-school-bagsak-ang-enrollment-sa-1-2m/)

Walang komento