Recent Posts

Breaking News

Kiko sa gobyerno: Pinoy-made PPE ang bilhin, ‘wag imported!

Pinalagan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang napaulat na pagpabor ng gobyernong Duterte sa mga imported na personal protective equipment (PPE) kaysa tangkilikin ang mga ginawa sa bansa.

Napaulat na pinaboran ng Department of Health (DOH) ang mga PPE na gawa sa China at iba pang bansa, kahit pa na-mass-produce na ito ng mga local manufacturer.

“Tulad ng nangyari sa high-quality and cheaper Filipino-made testing kits, sinabi ng Confederation of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) na mas pinapaboran ang mga imported na PPE. Pinapaboran bagamat walang test ang pinapataw sa mga ito at bagamat sobrang daming test para sa mga Filipino-made PPEs. Pasado sa lahat ng test na nagpapatunay na ligtas ang mga PPE na gawa sa Pilipinas,” lahad ni Pangilinan sa isang press release, Sabado.

“Hindi natin maiwasang itanong ulit: Sino ang kumikita sa imported at overpriced na PPEs? Sa gitna ng pandemya, kailangan nating tutukan na huwag nang madagdagan ang libo-libong buhay at milyon-milyong hanapbuhay na nawala,” giit niya pa.

Sinabi ng senador na mukhang ginagamit pa ng “mga halang ang bituka” ang Department of Budget and Management Procurement Service para “nakawin rin ang bilyon-bilyong pera ng taumbayan na nakalaan para sa PPE.”

Hinain na aniya niya ang Senate Bill 1759 para masuportahan ang lokal na produksyon ng PPE at ibang medikal na gamit sa pamamagitan ng tax exemptions, pero kulang aniya ito “kung prayoridad ng gobyerno ang pag-import ng mga PPE sa ibang bansa.”

Kaya naman, nanawagan si Pangilinan sa Cabinet Economic Cluster na itulak ang pagbili ng local PPE at iba pang COVID-related na kagamitan.

“Bumili ng Filipino-made PPEs at siguruhin ang kaligtasan ng mga health workers na gumagamit ng imported at substandard PPEs. Bumili ng Filipino-made PPEs at suportahan ang mahigit sa 7,000 manggagawa ng CPMP at ang karagdagang 4,000 magkakatrabaho pa dahil dito,” panawagan niya pa.

The post Kiko sa gobyerno: Pinoy-made PPE ang bilhin, 'wag imported! first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kiko-sa-gobyerno-pinoy-made-ppe-ang-bilhin-wag-imported/)

Walang komento