Recent Posts

Breaking News

Hontiveros kay Duque: ‘Wag manahimik sa PhilHealth scam!

Hindi umano maaaring manahimik na lang si Health Secretary Francisco Duque III sa alegasyon ng korapsiyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil halos dalawang dekada itong nakaupo sa naturang ahensiya.

Ito ang sinabi ni Senadora Risa Hontiveros kaya’t dapat lang dumalo ito sa susunod na pagdinig ng Senate committee of the whole sa Agosto 24.

“Dapat siyang magpaliwanag dahil siya ang may institutional memory sa ahensya. Dapat alam ng lahat na maghahalos dalawang dekada na sa liderato ng PhilHealth si Sec. Duque, simula pa noong 2001,” pahayag ni Hontiveros sa virtual press conference.

Ayon kay Hontiveros, 2001 hanggang 2005, naging presidente mismo ng PhilHelath si Duque at sa panahon iyon nadiskubre ng Commission on Audit (COA) na may administrative experos noong 2005 na nagkakahalaga ng P490 milyon.

“It was during Duque’s term as Philhealth President that “PLAN 5 MILLION” – the distribution of free PHILHEALTH cards to support the candidacy of of a former President against FPJ – was conceived,” sabi ng senadora.

Noong 2005 hanggang 2009 naman na maging kalihim ng DOH at chairperson ng PhilHealth si Duque, nadiskubre din ng COA ang labis ng administrative expenses na P80 milyon noong 2008 at P200 milyon naman noong 2009.

Taong 2010 hanggang 2015 naman naging chairperson siya ng Civil Service Commission at miyembro ng PhilHealth Board si Duque.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee Hearing noong 2019 tungkol din sa PhilHealth, ayon kay Hontiveros, napag-alaman na may mga “mafia” circumventing reassignment dahil sa mga delayed decisions ng CSC.

“Ito ba ang mga hindi magalaw-galaw sa loob ng PhilHealth?” tanong ng senador.

Noong June 2019, sinampahan si Duque ng graft at plunder dahil pinayagan nito ang PhilHealth provincial office na rentahan ang gusali na pag-aari ng kanilang pamilya.

“Kaya hindi pwedeng tahimik si Sec. Duque dito sa mga alegasyon at isyu ng PhilHealth kasi halos dalawang dekada siyang nakaupo sa liderato nito,” ani Hontiveros.

Sabi ng senadora, sa susunod na pagdiniig ay nais niyang malaman kung ano ang extent ng papel ni Duque sa mga iregularidad sa PhilHealth.

“He should help us shed light on the numerous allegations of corruption in PhilHealth. Kasi parang may mga grupo-grupo o mga mafia sa loob ng PhilHealth at siya bilang may institutional memory, gusto kong malaman kung ano ang extent ng kanyang involvement o kaaalaman sa mga modus sa loob,” dagdag pa nito.

“Bilyon-bilyong piso at mukhang may sistema na mismo ang nakawan sa loob ng PhilHealth. Hindi ito posible kung walang mafia o mga grupo sa loob. Hindi ito posible kung wala rin silang mga backer. Kaya Sec. Duque: ano ang alam mo?” tanong pa ni Hontiveros sa kalihim.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hontiveros-kay-duque-wag-manahimik-sa-philhealth-scam/)

Walang komento