Recent Posts

Breaking News

‘Gov’t deal sa mga Chinese company na sangkot sa militarisasyon sa WPS, itigil!’

Dapat ihinto na ang mga proyekto ng gobyerno na may kasunduan sa mga kumpanyang Chinese na dawit sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea, partikular ang pagtatayo ng mga artificial island at mga military outpost.

Ito ang panawagan ni Senador Risa Hontiveros sa gitna ng mga ulat na nagpakawala ng missile ang Tsina sa karagatang inaangkin ng maraming bansa.

“Nakakabahala na mismong gobyerno ay may ugnayan sa mga Chinese companies na siyang lumalapastangan sa ating mga teritoryo. Tayo na nga ang ninanakawan, tapos makikipagsabwatan din pala ang gobyerno sa pagnanakaw na ito?” pahayag ni Hontiveros sa isang statement.

Ayon sa senadora, kabilang sa listahan ng U. S.’s Depatrment of Commerce ang China Communications Construction Co., Ltd. (CCCC) na sangkot sa mga paghuhukay at pagtatayo ng military island sa West Philippine Sea.

Ilan sa subsidiary ng CCCC ay may kontrata sa mga proyekto ng gobyerno.

“Base sa nakalap naming impormasyon, may limang memorandum of understanding ang gobyerno sa Chinese company na ito. Mayroon sa Manila, Davao, Cebu, at Clark. Hindi pwedeng magpatuloy ang mga proyektong ito. Kapag pinagpatuloy ito, para na ring isinuko ang ating teritoryo,” ayon kay mambabatas.

Ayon pa kay Hontiveros, ang MOUs na ito ay partikular sa Davao Coastline at Port Development Project, Manila Harbour Center Reclamation Project, Cebu International and Bulk Terminal Project at Manila-Clark railway.

Dagdag pa ng senadora, isa pang Chinese company, ang China Harbor Engineering Co. (CHEC), ang nanalo sa bidding para sa pagpapatayo ng access road sa New Clark City.

“Dapat pigilan natin ang mga mandaragit na Chinese companies na ito. Huwag natin isuko ang ating mga teritoryo para sa iilang proyekto na wala ding kasiguraduhang tunay na makakatulong sa Pilipino,” giit ni Hontiveros.

“Bukas, sa pagdiwang natin ng ‘Heroes Day,’ huwag sana nating kalimutan ang sakripisyo ng ating mga bayani na buong pusong ipinaglaban ang kalayaan at kasarinlan ng ating inang bayan,” sambit pa nito.

The post 'Gov't deal sa mga Chinese company na sangkot sa militarisasyon sa WPS, itigil!' first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/govt-deal-sa-mga-chinese-company-na-sangkot-sa-militarisasyon-sa-wps-itigil/)

Walang komento