Recent Posts

Breaking News

‘Gobyerno mababangkarote sa RevGov’

Makakaapekto umano sa fiscal position ng bansa ang ang panawagang magtatag ng revolutionary government, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Ginawa ng senador ang pahayag kasabay ng pagbatikos nito sa mga nagtutulak ng revolutionary government sa gitna na krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Gatchalian, ang grupo, na sinasabing mga taga-suporta ni Pangulong Duterte ay nanawagan para sa isang revolutionary government na magsusulong na paglipat sa federal form of government.

Subalit maging ang ilan sa economic managers ng gobyerno ay tinututulan ang paglipat ng gobyerno sa federalism na anila’y maaring makakasira sa ekonomiya ng bansa sa oras na mangyari ito.

“This will create instability in our fiscal position and will prompt a massive fiscal deficit in our budgeting system,” ani Gatchalian.

“Kung ibaba natin ito sa local governments, maba-bankrupt ang national government, sino ang magbabayad ng mga utang? Lalaki yung ating deficit. Ngayon ang tanong — saan tayo kukuha ng panggastos para labanan ang COVID-19?” dagdag pa nito.

“Even the economic managers were very wary and they were strongly opposing the shift to federalism,” sambit pa ng senador.

May posilibidad din aniya na ang pagbabago sa porma ng gobyerno sa panahong ngayon ay maaring magpabagsak sa pamahalaan.

“Kapag nag-move tayo (If we move) to federalism at this point in time, mas lalaki pa ang problema natin (We will have bigger problems). From the health crisis, lilipat tayo (it will turn) into an economic crisis, or even a political crisis ,” ani Gatchalian.

Sa halip na isulong ang revolutionary government, hinikayat ng senador ang mga nagsusulong nito na manawagan na lang ng pagkakaisa at kooperasyon sa lahat ng Filipino.

Aniya, magreresulta lang ito sa pagkahati-hati ng bansa at mabubuwag ang mga sangay ng ahensiya ng gobyerno.

“Kailangan natin ng check and balance para makita natin kung tama ang ginagawa ng gobyerno,” ani Gatchalian.

“Sa isang revolutionary government, magkakaroon tayo ng malalim na hidwaan o pagkawatak-watak sa ating lipunan na hindi natin kailangan ngayon. Ang kailangan natin ngayon ay magsama-sama para labanan ang COVID-19 ,” sambit pa nito.

The post 'Gobyerno mababangkarote sa RevGov' first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gobyerno-mababangkarote-sa-revgov/)

Walang komento