Recent Posts

Breaking News

Go sa NBI: Mga dokumento ng PhilHealth bantayan

Hiniling ni Senador Bong Go sa National Bureau of Investigation (NBI) na protektahan ang mga dokumento ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na maaaring maging ebidensya sa alegasyong iregularidad sa ahensiya.

“Nakakuha po tayo ng mga balita na may mga nagtatangkang sirain o itago ang mga dokumento sa PhilHealth regional offices na posibleng maging ebidensya sa anomalya. Sinabihan ko po agad ang NBI na silipin ito at siguraduhin na walang magagalaw upang maprotektahan ang integridad ng imbestigasyon ng task force,” saad ni Go.

Sinabi aniya ng NBI na magsasagawa rin ito ng imbentaryo sa lahat ng kasong hawak ng mga regional legal office ng PhilHealth para maprotektahan ang mga dokumento kabilang na ang mga affidavit at hospital record.

“They will also secure possible witnesses,” dagdag ng senador.

Inatasan din niya ang mga awtoridad na arestuhin at parusahan ang sinumang mahuhuling gagalaw sa mga public record ng PhilHealth.

“Kaya nga ilang beses ko nang sinabi —pilayan, putulan ng daliri upang hindi na makagalaw. Gamitin dapat ng task force ang ngipin nito para matigil ang kalokohan na nangyayari sa PhilHealth,” wika ni Go.

“Yung mga magtatangkang magtago ng ebidensya, dapat talaga maparusahan upang hindi na makapagtago ang mga nagtatago, at hindi na makagalaw ang mga magnanakaw. Dapat lumabas ang katotohanan at mapanagot ang dapat managot,” dagdag pa niya.

Kasunod ito ng ulat ng pagkasira ng mga dokumento ng PhilHealth sa Pangasinan dahil sa pagtagas ng ulan sa bubungan.

“Nabalitaan namin sa Pangasinan sa Region 1 nasira daw ‘yung mga dokumento dahil sa ulan. I’m urging the NBI task force to investigate kung mayroon bang kalokohan dito,” wika ni Go.

“Tinatawagan ko ang pansin ng pamunuan ng PhilHealth. Ang laki-laki ng pondo ninyo, tapos hindi n’yo mapagawa ang bubong ng isang opisina ninyo! Gamitin n’yo po sana nang tama ang pondo ninyo para sa pagpapaayos ng inyong mga opisina at ng inyong serbisyo sa tao,” dagdag niya.

The post Go sa NBI: Mga dokumento ng PhilHealth bantayan first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/go-sa-nbi-mga-dokumento-ng-philhealth-bantayan/)

Walang komento