Recent Posts

Breaking News

Gatchalian: Patakaran sa face shield linawin

Kinakailangang linawin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang patakaran paggamit ng face shield.

Ito ang panawagan ni Senador Sherwin Gatchalian para maiwasan ang kalituhan ng publiko, lalo na’t iba-iba ang patakaran ng mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng face shields.

Ayon sa senador, kung malinaw ang ebidensyang napipigilan ng face shields ang pagkalat ng COVID-19, kailangang may iisang patakaran ang lahat ng sektor sa paggamit nito, ani Gatchalian.

“Hindi naman pwedeng pagpunta mo sa Taguig nakasauot ka ng face shield tapos pagpunta mo sa Valenzuela hindi naman pala kailangan. Ang konsepto nga dito ay mabawasan natin yung pagkalat ng COVID-19 sa buong bansa,” sabi ni Gatchalian.

“Wala pang patakaran ngayon, kaya hinihimok ko ang IATF na magkaroon ng malinaw na polisiya sa face shields dahil nalilito ang mga tao,” sambit pa nito.

Nauna nang naglabas ng kani-kaniyang patakaran ang Department of Transportation (DOTr), Department of Trade and Industry (DTI), at ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa paggamit ng face shields.

Dahil dito, kailangan nang magsuot ang mga mamamayan ng face shield sa mga pampublikong sasakyan at sa kanilang mga trabaho.

Samantala, patuloy namang pinag-uusapan sa IATF kung kakailanganin na ba ang pagsuot ng face shields sa lahat ng mga pampublikong lugar.

Sabi ni Gatchalian, dapat suriing mabuti mabuti ang presyo nito lalo na’t aabot na ng malaking halaga kapag bumili ng face shields sa lahat ng miyembro ng pamilya.

Pero ayon sa DTI at sa Department of Health (DOH), ang suggested retail price ng kada isang face shield ay hindi dapat lalagpas sa P50.
“Ang presyo ng face shields iba-iba, may 50 pesos, may 100 pesos, may 200 pesos at nagiging isyu ito sa ating mga kababayan,” ani Gatchalian.

The post Gatchalian: Patakaran sa face shield linawin first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-patakaran-sa-face-shield-linawin/)

Walang komento