Recent Posts

Breaking News

Ex-Marcos SolGen pabor sa anti-terror law

Pinababasura ni Martial Law-era solicitor general Estelito Mendoza sa Korte Suprema ang 29 petisyon na tutol sa anti-terrorism law.

Sabi niya, wala raw “actual controversy” ang mga petisyon na gustong ipabasura ang Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.

“The petitions do not sufficiently allege, much less show, that the petitioners have committed any act in violation of the Anti-Terrorism Act thereby creating an ‘actual controversy’ involving a legally demandable and enforceable right for the exercise of judicial power under Section 1, second paragraph, of Article 8 of the Constitution,” ani Mendoza.

Tulad ng posisyon ng gobyerno, sinabi ng veteran lawyer na ang mga petisyon–at least, dalawa sa mga ito–ay bigong igiit na may actual controversy na legally demandable at enforceable sa kanilang mga hiling, at dapat na ibalewala ng korte.

Sa partikular, tumugon si Mendoza sa mga argumento na nakasaad sa mga petisyon na hinain nina Atty. Howard Calleja (ang unang petisyon laban sa ATA) at ang kina retired Supreme Court Justices Antonio Carpio at Conchita Carpio-Morales. Sabi niya, iyon lang kasi ang mga petisyon na nakakuha siya ng kopya.

Hiniling din ni Mendoza na maging friend of the court (amicus curiae) dahil “naniniwala siyang ang karanasan niya sa mga isyung may kaugnayan sa mga naturang kaso” ay makatutulong sa SC na maresolba ang mga petisyon.

Sa ilalim ng Rules of Court, pwedeng imbitahan ng korte ang isang “amicus curiae” para dumalo at tumulong sa pagtugon sa mga hinain na petisyon sa korte.

Bukod sa pagiging solgen sa panahon ni diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos, naging justice minister at Pampanga governor din si Mendoza.

Naging abogado rin siya nina Senador Bong Revilla, dating President Gloria Macapagal-Arroyo, at dating Senador Juan Ponce Enrile na pawang humarap sa kasong plunder.

Sa huling tala, may 29 petisyon na sinampa sa SC laban sa ATA na naisabatas noong Hulyo 3 at pinatupad ng gobyerno mula Hulyo 18.

Nakatakdang magkasa ng oral arguments ang SC hinggil sa mga petisyon sa Setyembre.

The post Ex-Marcos SolGen pabor sa anti-terror law first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ex-marcos-solgen-pabor-sa-anti-terror-law/)

Walang komento