Recent Posts

Breaking News

Duterte: Bakuna mula Russia, China hulugan ang bayad

Hihirit ng credit line ang Pilipinas sa Russia at China para sa mga bibilhing bakuna kontra COVID-19 sa sandaling maaari na itong gamitin ng publiko.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung medyo mahal ang presyo ng vaccine ay hihilingin niyang installment ang paraan ng pagbabayad ng Pilipinas.

Hindi aniya libre ang mga bakuna, kahit pa nag-commit ang Russia at China na bibigyan ng bakuna ang mga Pilipino.

“Bibilhin natin ‘yan. Kaya lang kung mahal, if it is quite expensive then I will ask my friend President [Vladimir] Putin and President Xi Jinping to give us a credit, parang utang, a credit line but we will pay not in one payment but by installments,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na halos lahat ng bansa sa buong mundo ay nakaranas ng economic hemorrhage kaya walang pera ang mga tao at maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas.

Pinasalamatan ni Pangulong Duterte sina President Putin at President Xi Jinping dahil sa alok at pagtiyak na makakakuha ang Pilipinas sa kanilang vaccine sa sandaling ilabas na ito para magamit ng mga tao.

“I would like to thank Russia, President Putin ang China, President Xi Jinping, for offering us to provide us with the vaccine as soon as it is available possible for distribution to the public,” dagdag ng Pangulo.

Malaking utang na loob aniya ang commitment ng Russia at China sa Pilipinas dahil isinama ang bansa sa kanilang mga prayoridad na mabigyan ng vaccine at batid nitong hindi ito libre dahil gumastos ang mga ito para makatuklas ng bakuna para sa kaligtasan ng sangkatauhan.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-bakuna-mula-russia-china-hulugan-ang-bayad/)

Walang komento