Recent Posts

Breaking News

DSWD kinalampag sa cash aid ng 1.26M pamilya

Nananawagan na si Senador Risa Hontiveros sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ibigay na ang cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) na para umano sa 1.26 milyong kuwalipikadong pamilya sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.

Sabi ng senador, hanggang ngayon wala pa umanong natatanggap na anumang ayuda ang mga nasabing pamilya sa kabila ng record-high unemployment sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

“Hindi katanggap-tanggap na lagpas isang milyong kwalipikadong pamilya ang hindi pa rin nakatatanggap ng ayuda. Ilang buwan na ang dumaan, tapos na ang round 2 ng lockdown, pero wala pa rin. If govenrment cannot yet commit to a new, third tranche of SAP releases, at the very least we should see to it that all qualified families get to receive the cash aid allocated to them under the first and second tranches,” sabi ni Hontiveros sa kanyang pahayag nitong Miyerkoles, Agosto 19.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos ianunsyo ng DSWD na malapit na umano nilang matapos ang pamumudmod ng second tranche ng SAP dahil nailabas na nito ang cash aid na nagkakahalaga ng P74.2 bilyon para sa 12.28 milyong pamilya.

Sabi ni Hontiveros, dapat siguruhin ng pamahalaan na makatatanggap ng cash subsidy lahat ng kuwalipikadong pamilya bago nito tapusin ang pamimigay ng SAP.

“Huwag sana kalimutan na base mismo sa mga regulasyon at datos ng pamahalaan, may tinatayang 1.26 million pamilya sa National Capital Region (NCR), Region III at Region IV-A na simula noong Marso ay hindi pa nakakuha ng ayuda sa ilalim ng SAP, kahit na pasok sila sa programang ito,” ayon kay Hontiveros.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dswd-kinalampag-sa-cash-aid-ng-1-26m-pamilya/)

Walang komento