Recent Posts

Breaking News

Drilon gigil na gigil kay Duque

Atat na atat nang gisahin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Health Secretary Francisco Duque III sa susunod na pagdinig ng Senado, kaugnay ng papel ng huli sa diumano’y iregularidad sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

“Unang-una, ano ba ang ginawa niya? Ang PhilHealth ay nasa ilalim ng DOH. Siya ang chairman ng PhilHealth,” pahayag ni Drilon sa panayam sa DZBB.

“Matagal na ang anomaly. Ano ba ang hakbang na ginawa niya para mabawasan man kung hindi man mapigil? Galit na ang taumbayan,” dagdag pa nito.

Nauna nang sinabi ni Duque na dadalo siya sa ikatlong apgdinig ng Senate Committee of the Whole sa Martes, sa gitna ng pagkuwestiyon ng ilang senador hinggil sa pananahimik nito sa isyu sa PhilHealth.

“Ito ay para sa health sector. Ang laki ng pera na inilalagay ngunit ang serbisyo na ibinibigay ay kulang,” sambit pa ni Drilon.

SI Duque ay naging PhilHealth President mula sa 2001 hanggang 2005 at sa panahon ng administrasyong Arroyo at naging DOH Secretary din mula 2005 hanggang 2009.

Siya ang chairman ng Civil Service Commission (CSC) at miyembro ng PhilHealth board mula sa 2010 hanggang 2015 at naging DOH Secretary matapos italaga sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim ng kaniyang ldierato, nadiskubre ng Commmission on Audit (COA) ang ilang mga kuwestiyonableng project ng Philippine na nagtulak sa Senado para imbestigahan ang mga anomalyang ito.

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, nadiskubre ng mga senador kung paano na-pulitka at inabuso ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) scheme ng PhilHealth.

Ang IRM ay cash advance program na ibinigay para sa mga ospital at mga clinic na direktang tinamaan ng COVID-19 pandemic.

Naging ugat ng katiwalian ang pamimigay ng IRM funds kaya hiniling nga mga senador na ipatigal ito. Noong Biyernes, sinuspinde ng PhilHealth ang pagpaspatupad nito.

“Tama, itigil na itong IRM. Kaya mayroong IRM dahil ang bagal ng pagbabayad ng PhilHealth sa mga hospitals,” ani Drilon.

“’Yung mga hospitals hirap na, marami silang serbisyo na nagawa na at humihingi ng reimbursement. Kung aayusin ang sistema at kaagad na maproseso itong mga claims, hindi kailangan itong IRM o cash advances na ginagawa nila,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Drilon, dapat din aniyang magbuo ng batas na mag-aalis ng IRM bukod sa dapat din baguhin ang sistema sa PhilHealth para maabuso at hindi pag-ugatan ng korapsiyon.

“Ang sistema sa loob ng PhilHealth ang dapat baguhin. Ayusin nila ang sistema, mabilis na pag-reimburse ng claims, hindi kailangan ang IRM,” ayon pa kay Drilon.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/drilon-gigil-na-gigil-kay-duque/)

Walang komento