Recent Posts

Breaking News

DOLE, DTI sinulong libreng COVID test sa mga empleyado

Nilakad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) ang mandatory na RT-PCR COVID-19 test para sa lahat ng empleyado sa ilalim ng hospitality at tourism sector, manufacturing company kasama ang mga frontliner.

Ito ay kasama sa nilabas na Joint Memorandum Circular No. 20-04 series of 2020, o ang DTI and DOLE Supplemental Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19 na epektibo na simula Sabado.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang nasabing mandatory testing ay hindi dapat gastusan ng mga empleyado.

“The strict observance of these health protocols will make a big difference in our long-drawn battle to defeat Covid 19 and ensure the productivity of the Filipino workforce,” saad ni Bello.

Sakop ng COVID-19 testing ang mga tourism and hospitality worker sa El Nido, Boracay, Coron, Panglao, Siargao, at iba pang tourist zone na idedeklara ng Department of Tourism, kung saan kailangan sumalang sa test isang beses kada apat na linggo.

Para naman sa mga manufacturing company, public service provider, at iba pang trabaho na mataas ang exposure sa publiko, dapat ay magpa-test ng isang beses kada quarter.

Bukod sa libreng testing, inatasan din ang mga empleyado na magsuot ng face mask at face shield,para naman sa mga kompanya ay magbigay ng disinfection material gayundin ang shuttle service para sa mga manggagawa.

Para sa mga magpopositibo sa COVID-19, inabisuhan ang mga kompanya na isalang sa 14-day quarantine ang kanilang mga empleyado, at dapat na saklaw ito ng ilang benepisyo tulad ng sick leave, medical insurance at supplemental pay allowance.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dole-dti-sinulong-libreng-covid-test-sa-mga-empleyado/)

Walang komento