Recent Posts

Breaking News

De Lima: Gamboa nahuhumaling sa pagtatanggol ng PNP

Kinastigo ni Senador Leila de Lima ang pagsang-ayon ni Philippine National Police (PNP) chief Archie Gamboa sa panukalang magdeklara ng martial law sa Sulu kasunod ng kambal na pagsabog doon noong Lunes.

“Bakit martial law ang sagot niya, kung ang mga salarin sa pagkalusot ng mga suicide bomber ay ang Jolo PNP na pumatay sa apat na mga operatiba ng AFP, na tumutugis naman doon sa mga suicide bomber na nagpasabog sa pito pang mga sundalo at marami pang sugatan?,” sabi ni De Lima.

“Hindi ba ang dapat gawin ay tapusin ang sabwatan ng PNP sa mga teroristang pumapatay sa mga sundalo? Bakit martial law kung ang mangyayari lang sa martial law ay lalong bigyan pa ng kapangyarihan ang mga mismong PNP sa Jolo na halatang kasabwat ng mga terorista?” tanong pa nito.

Ayon sa senadora, tila nahuhumaling na si Gamboa sa pagdedepensa sa mga pulis sa Jolo matapos paslangin ang apat ng Army intelligence officer noong Hunyo 29.

“Masyado na yatang nahuhumaling si Gamboa sa kanyang pagtanggol sa mga Jolo PNP mula pa noong niratrat ng mga ito ang apat na operatiba ng AFP, at hindi na niya makita na ang puno’t dulo ng bagong pagpapasabog sa Jolo ay ang pakikipagsabwatan ng Jolo PNP sa mga suicide bombers,” ani De Lima.

Sabi ni De Lima, hindi martial law ang solusyon maresolba ang problema sa terorismo sa lalawigan, kundi ang pagsibak sa mga pulis na diumano’y kasabwat ng mga terorista doon.

“Hindi martial law ang sagot kung ang mismong kapulisan ng Jolo ang kakampi ng mga suicide bombers. Ang solusyon ay ang pagtanggal sa pwesto at pag aresto sa lahat ng Jolo PNP na kasabwat ng mga teroristang Abu Sayyaf at ISIS,” ani De Lima.

Dahil sa nangyaring pangbobomba sa Jolo, sinabi ng senadora na nakita na ang problema ay hindi ang batas laban sa terorismo.

“Kahit ano pang batas ang ipasa ng Kongreso, kung ang mga terorista ay may mga kasabwat sa mismong kapulisan, walang makakapigil sa kanila na magpasabog ng kaliwa’t kanan dahil mukhang hindi naman hangad ng kapulisan na tugisin sila,” ayon kay De Lima.

“PNP Chief Gamboa, huwag mo na subukang baligtarin pa ang mundo. Mga pulis mo ang dahilan kung bakit natuloy ng mga terorista ang kanilang planong pangbobomba. Wala kang karapatan ngayon na susugin pa ang panukalang martial law,” wika pa nito.

The post De Lima: Gamboa nahuhumaling sa pagtatanggol ng PNP first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/de-lima-gamboa-nahuhumaling-sa-pagtatanggol-ng-pnp/)

Walang komento