Recent Posts

Breaking News

Black man 7 beses binaril ng pulis sa likod, naparalisa

Muling sumiklab ang Black Lives Matter movement sa Amerika matapos pagbabarilin ng puting pulis ang isang Black man nang pitong beses sa likod nito.

Agosto 23 ng hapon (US time), rumesponde ang pulisya sa “reported domestic disturbance” sa Kenosha, Wisconsin kung saan may dalawang babaeng nag-aaway.

Nang dumating sila, nabatid na sinusubukan ni Jacob Blake na pakalmahin ang sitwasyon sa pagitan ng mga babae.

Ayon sa mga saksi, nakita nilang kinompronta ng pulisya si Blake gamit ang taser. Nakipagbuno pa umano ang mga ito sa Black man.

Nakuhanan pa sa video ang tangkang pagpasok ni Blake sa kanyang kotse nang hatakin ng isang puting Kenosha police officer ang damit ni Jacob habang pinapaulanan ito ng bala.

Narinig ng mga saksi ang pitong putok ng baril.

Sinugod ng pulisya si Blake sa kalapit na ospital at napaulat na nasa malubhang kondisyon.

Kinagabihan, pinost ni civil rights attorney Benjamin Crump ang video ng pamamaril kay Blake sa Twitter.

Nag-trend ang video, na milyon ang nakapanood sa unang araw ng pagka-post, kaya maraming tao ang nag-rally sa Kenosha at iba pang lungsod sa US.

Agosto 25, nilahad ni Atty. Crump–na nagsabing magrerepresenta sa pamilya ni Blake–na naparalisa si Blake mula baywang pababa.

Nagpatuloy ang mga protesta, at maraming personalidad ang kinundena ang pamamaril at nanawagan ng hustisya, kabilang si LeBron James.

The post Black man 7 beses binaril ng pulis sa likod, naparalisa first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/black-man-7-beses-binaril-ng-pulis-sa-likod-naparalisa/)

Walang komento