Recent Posts

Breaking News

Bato ‘galit na galit’ sa pagpatay kay Kian Delos Santos

Hindi raw maisip ni noo’y Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” Dela Rosa kung bakit pinaslang ng pulis ang menor de edad na si Kian Delos Santos.

Pero giit ni Dela Rosa, na isa na ngayong senador, “nagamit” si Kian sa iligal na kalakalan ng droga.

“Bata pa rin ‘yun, dapat hindi pinatay. Galit na galit talaga ako noon. ‘Di ko lubos maisip bakit ginawa ng mga pulis-Caloocan ‘yun,” wika ni Bato sa isang panayam noong Pebrero 2020, na nilabas lang sa PumaPodcast series “Tokhang sa Tokhang” nitong Agosto 14, 2020.

“Bakit naman kasi pinatay? ‘Yun ang mali doon pero pag sinabi natin na ‘di involved ‘yung bata, somehow na-involve siya, nagamit siya. Sorry to say that. Nasa langit na ‘yung bata eh pero nagamit siya somehow doon sa drug trade na ‘yun,” dagdag niya.

Gabi ng Agosto 16, 2017, namatay matapos pagbabarilin si Kian ng mga pulis na nagsasagawa ng anti-drug operation sa Caloocan City, sa ilalim ng giyera kontra droga ng gobyernong Duterte.

Nanlaban umano si Kian kaya ito pinagbabaril, ayon sa mga pulis.

Pero nakita sa CCTV na kinaladkad ng mga parak ang nasabing senior high school student. Ayon pa sa kapitbahay ni Kian, na saksi sa insidente, ang huling mga salita ng lalaki ay:

“Tama na po! May test pa ako bukas!”

Samantala, napatunayang negatibo si Kian sa gunpowder nitrates.

Nobyembre 2018, hinatulang guilty sa kasong murder ang tatlong pulis na sangkot sa pagkamatay ni Delos Santos.

Sinentensyahan ang mga ito ng reclusion perpetua, o hanggang 40 taon na pagkakakulong, na walang parole.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bato-galit-na-galit-sa-pagpatay-kay-kian-delos-santos/)

Walang komento