Recent Posts

Breaking News

Vice mayor, konsehal, 2 pulis timbog sa illegal gambling

Arestado ang 17 katao kasama ang isang vice mayor, konsehal, at ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa magkakahiwalay na operasyon ng Tuguegarao City Police Station laban sa iligal na sugal noong Sabado.

Base sa report ng TCPS, una nilang isinagawa ang anti-gambling operation sa isang sugalan sa Brgy. Tanza sa nasabing siyudad kung saan naaktuhang naglalaro ng tong-its ang tatlong suspek na nakilalang sina Elena Pedralvez, 48; Siony Pe Benito, 66; at Loida Pacion, 52, pawang residente sa naturang barangay.
Ayon sa TCPS, sa pangalawang operasyon na isinagawa sa Brgy. Pengue-Ruyu siyam na katao ang nahuli na naglalaro ng mahjong at kabilang dito ang isang vice mayor at dalawang pulis gayundin ang isang kawani ng Department of Agriculture (DA) sa Region 2.

Kinilala ang mga suspek na sina Maconacon, Isabela Vice Mayor Jolly Taberner, 65-anyos; Maconel Pascua, 39, isang miyembro ng PNP na nakatalaga sa Isabela Provincial Police Office at VIP security ni Taberner; Christine Ruiz, 33, isa ring miyembro ng PNP nan aka-assign naman sa Police Regional Office-Region 2.
Kabilang pa sa mga nahuli ay sina Marlene Bautista, 52, empleyado ng DA Region 2; Jayson Allam, 39; Grace Laggui, 44; Gerry Adducul, 66, retiradong pulis; Pedro Baggay, 33; at Peter Laggui na siyang may-ari ng bahay kung saan nahuling nagsusugal ang mga suspek.

Ayon sa TCPS, nakuha sa lugar ang dalawang set ng mahjong tiles, dalawang baril na kalibre .45 na may magazine at may laman na pitong bala at isang extra magazine na kargado ng pitong bala, at P3,310 na bet money.

Samantala, sa pangatlong operasyon na isinagawa sa Brgy. Leonarda ay limang katoa naman ang nahuli kabilang ang isang konsehal na naaktuhang naglalaro ng mahjong.
Kinilala ang mga susek na sina Tuguegarao City Councilor Danilo Baccay, 65; Monette Baccay, 64; Shiela Velasco, 44; at dalawang hindi pa kinilala sa ulat.

Nakuha sa kanila ang mga mahjong set at ilang gambling paraphernalia gayundin ang hindi pa mabatid na halaga ng pera.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/vice-mayor-konsehal-2-pulis-timbog-sa-illegal-gambling/)

Walang komento