Recent Posts

Breaking News

‘Toxic asset’ ng gobyerno ibenta na – Imee

Kailangan madaliin na ng pamahalaan ang pagbebenta “toxic” o non-performing assets para makalikom ng karagdagang pondo na magagamit sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 pandemic, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Sa Senate Bill 1646 o Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act na inihain ni Marcos, nais nitong makabuo ng specialized asset-managing corporation na siyang maglilinis mula sa mga pagkakautang at di mapakinabangang mga ari-arian ng mga lending institutions.

Ayon kay Marcos, dadami pa ang mga hindi makakabayad ng utang bunsod ng patuloy na kahirapan dulot ng pandemya.

“Tila virus yang mga hindi nababayarang utang at iba pang non-performing asset na nakakaapekto sa ating ekonomiya. Masusubukan ang tibay ng bansa sa mga susunod na buwan,” ani Marcos, chair ng Senate committee on economic affairs.

Ayon pa dito, katulad ng mga tinatawag na SPV o special purpose vehicles (SPVs) na binuo sa kasagsagan ng 1997 Asian financial crisis, ang mga FIST corporations na bubuuin sa ilalim ng panukala ang tutugon sa banta ng pandemya sa pambansang ekonomiya.

“Napababa ng nasabing stratehiya ang dami ng mga problemadong pautang mula sa 14.6% noong 2001 hanggang 5.1% na lamang ng lahat ng pautang noong 2005,” paliwanag ni Marcos.

“Daan-daang bilyon din ang nagawa sa pagbenta ng mga toxic assets at napadaloy sa ating sistemang pinansyal,” sambit pa nito.

Ayon sa mambabaas, ang tax privileges at fee exemption na ibibigay sa mga FIST corporations ang hihimok sa pagbuo nito sa panahon ng tumitindi ang krisis sa pinansya.

“Kulang ang P140 billion na inilalaan ng ating mga economic manager sa ikalawang stimulus package. Makakatulong ang mga FIST corporations na dagdagan ang pondo ng gobyerno para tugunan ang pangangailangan sa pandemya,” sabi ng senadora.

Nangangamba si Marcos na ang halaga ng mga problemadong pautang ng mga bangko pa lamang ay maaaring lumobo sa mga susunod na buwan ng hanggang 20% ng kabuuang mga loan mula sa kasalukuyang 5%, base sa pagtataya ng Bankers Association of the Philippines.

“Maging mapagbantay tayo, huwag maging kampante at magplano ng mas maaga para sa mga susunod na buwan. Kahit nakakaya pa ng gobyerno na mapanatili ang tatag ng piso kontra dolyar, hindi natin masasabi hanggang kailan ito magtatagal kung mananatiling mahina ang mga lokal na negosyo at export,” ani Marcos.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/toxic-asset-ng-gobyerno-ibenta-na-imee/)

Walang komento