Recent Posts

Breaking News

Tablado si Buknoy: TikToker kinilala mga trike driver

Ang tricycle driver ay isang “nilalang na hindi dapat nila-lang,” ayon sa isang TikToker na pinupuri ngayon ng mga netizen.

Marami ang naiyak sa spoken word poetry ni Beverly Cumla na handog niya para sa mga tricycle driver, na matatandaang minaliit ng YouTuber na si Buknoy Glamurrr.

“Huwag na huwag kayong sumukong mangarap, kasi kung hindi kayo magsusumikap sa buhay, walang-wala kayong mararating tulad nito,” banggit ni Buknoy saka pinokus ang camera at tinawag ang atensiyon ng isang tricycle driver, sa kanyang vlog.

“Maaaring hindi ikaw ang pangarap, pero ikaw ang tumutupad ng pangarap. Kaya gusto kong malaman mo na ang tulad mo ay mahalaga. Ikaw ang mukha ng determinasyon, dedikasyon, na walang iniisip na limitasyon,” wika naman ni Bevs sa kanyang video na tinweet niya kahapon.

“Kaya hindi ako papara para huminto ka, para ipamukha sa’yo na hanggang dito ka lang at wala ka nang mararating pa. Bagkus, sasamahan kita para ihatid ang mensahe na ang tulad mo, ay isang NILALANG na hindi dapat NILA-LANG,” aniya pa.

Kumpara sa pambabatikos na tinamo ni Buknoy, pinuri ng maraming netizen si Cumla at sinabing siya ang dapat tularan at hindi ang nauna.

“Eto ang ibig sabihin ng INFLUENCER. Stan Beverly Cumla!! Stan all the tricycle drivers, carpenters, vendors, and everyone else who works hard for their family. Pinagmamalaki namin kayo. Marangal ang trabaho nyo,” ayon sa isang netizen.

“MENTION @buknoyglamurrrr para malaman niya naman na hindi porket trycicle driver o kung ano man ang trabaho ay mahirap na agad at walang narating,” sabi pa ng isa.

“Naiyak ako Bevs. Ipinakita ko to sa papa ko and naiyak din siya. Ang papa ko ay isang tricycle driver for 3 decades now and nkapagpatapos na siya ng mga anak,” sambit ng isa pang netizen.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/tablado-si-buknoy-tiktoker-kinilala-mga-trike-driver/)

Walang komento