Recent Posts

Breaking News

Sinas idedemanda sa pambabraso

Balak ng pamilya ng isang retiradong pulis na magsampa ng kaso laban kay NCR Police Office chief Debold Sinas at ilan pang armadong pulis dahil sa umano’y harassment at tangkang pagpapalayas sa kanilang bahay sa Fort Bonifacio, Taguig City.

“We’re planning to file cases of trespassing, harassment, threats and grave misconduct,” wika ni Aries delos Santos, Linggo.

Ayon sa kanya, higit isang dosenang armado at unipormadong pulis ang dumating sa harapan ng bahay nila sa loob ng Southern Police District compound (SPD), Sabado ng hapon.

Hinahanap ni Sinas ang mga magulang ni Delos Santos, na wala noon sa kanilang bahay.

Pinakita umano ni Delos Santos ang mga dokumentong nagpapatunay ng ligal nilang paninirahan sa lugar, pero sinigawan aniya siya ni Sinas na dapat na silang lumayas agad.

Nang mapansin niyang kinukuhanan sila ng video ng ibang pulis, sinubukan ni Delos Santos na i-video ang insidente pero may isang parak na hinablot ang kanyang phone at sinubukan aniya siyang suntukin nang binabawi niya na ang mga dokumento na pinakita kay Sinas.

Nakuhanan ang insidente sa CCTV camera ng pamilya, na in-upload sa Facebook.

Samantala, dinepensahan naman ng NCRPO ang kanilang hepe.

Ayon sa NCRPO, kinilala nila ang isang Arnel delos Santos, na tatay ni Aries, bilang isang retiradong Police Executive Master Sergeant na umalis sa serbisyo noong 2018.

Nagsagawa umano sina Sinas, kasama si Southern Police District director Police Brigadier General Emmanuel Peralta at iba pang opisyal sa lumang RDSU building sa may Fort Bonifacio, Taguig City dahil gagawin itong quarantine facility para sa mga tauhan ng PNP na suspetsang may COVID-19.

Ngunit naglagay umano ng barikada si Delos Santos dahilan para mahirapang makapasok ang pulisya sa parking area, at sinabi pang illegal occupant si Delos Santos sa nasabing quarters.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/sinas-idedemanda-sa-pambabraso8/)

Walang komento