Recent Posts

Breaking News

Sinas dinipensahan ni Gamboa sa harassment

Ipinagtanggol ni Philippine National Police (PNP) Director General Archie Francisco Gamboa si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas hinggil sa umanoy pangha-harrass nito sa isang pamilya na nakatira sa lupa na pagmamay-ari ng kapulisan.

“This is a lot owned by the PNP and I am sure na marami nang notices given to them to vacate because yun nga retired na yung kanilang ama. Probably we will investigate doon kung paano nila na carry-out itong order na ito but of course alam naman natin the video would speak a thousand words that’s why we will investigate on what happened during that confrontation,” pahayag ni Gamboa sa virtual press briefing sa Camp Crame Lunes ng umaga.

Paliwanag pa ni Gamboa, ang kapulisan ay binibigyan ng quarter facility kapag nasa serbisyo at kung nakadestino sa kampo o sa labas.

Subalit kapag nagretiro na aniya ang isang pulis ay kinakailangan nang ibakante nito ang tinitirahan sa loob ng kampo pero bibigyan naman ng palugit na isang buwan upang makalipat.

“So if you are assigned outside of Camp Crame then you necessarily you have to vacate immediately but of course merong grace period na 1 month. Ganun din ang ginagawa namin doon sa mga retired officers. Once they retire they are given 1 month.

Now ito naman based on regulations and we always premise that all the officers would follow these regulations,” saad ni Gamboa.

Sa tanong naman hinggil sa isang opisyal ng pulis na nanghablot ng cellphone sa isa sa nakatira na kumukuha ng video ay iimbestigahan ito ni Gamboa pero nilinaw din nito na kaya maraming pulis na kasama si Sinas ng mga oras na iyon ay dahil sa nililibot nila ang kampo at nag-iinspeksyon para sa mga posibleng pagtayuan ng mga quarantine facility para sa mga pulis na tinamaan ng COVID-19.

Matatandaang nitong Sabado ng hapon ay isang Arles Delos Santos ang nag-post sa kanyang Facebook account hinggil sa umano’y pangha-harrass na ginawa sa kanila ng mga pulis na pinangungunahan ni Sinas sa loob ng Southern Police District (SPD) compound sa Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Binaklas pa umano ang gate nila.

Kamakalawa ay naglabas naman ng pahayag si Sinas at sinabing hindi gate ang kanilang binaklas kundi barikada na ginawa ng pamilya na iligal na tumitira sa loob ng kampo matapos na ayaw nilang umalis kahit na halos dalawang taon nang retirado ama nitong dating pulis.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/sinas-dinipensahan-ni-gamboa-sa-harassment/)

Walang komento