Recent Posts

Breaking News

Satellite sa blended learning ng DepEd alok ni Chavit

Nais makausap ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis `Chavit’ Singson si Department of Education (DepEd Secretary Leonor Briones para sa inaalok niyang tulong na satellite na puwedeng gamitin sa blended learning ngayong mayroon pang COVID-19 pandemic.

Ibinahagi ni Singson, president ng League of Municipalities of the Philippines (LMP), sa Laging Handa public briefing nitong Lunes ng tanghali, ang makabagong teknolohiya na sinubukan na umano nila sa Ilocos Sur.

Aniya, mayroon silang ka-partner na nagbibigay ng mga satellite at sinubukan na nilang gamitin ito sa malalayong barangay sa Narvacan at nagustuhan ng mga guro.

“Tinesting namin provincial, to the farthest town, remote area walang signal, walang wi-fi naglagay lang kami ng satellite very successful. Napakinggan ng mga division superintendent at lahat ng mga teacher nagustuhan nila…Gusto nilang gamitin region wide pero kako ipaalam niyo muna kay Secretary Briones para alam niya ang programang ito,” ani Singson.

Sabi ng alkalde, nabasa niya sa website ng DepEd na gagastos ito ng bilyong-bilyong piso para sa blended learning subalit sa gagamitin nilang satellite ay “minimal” lang aniya ang magagastos.

“Makakatulong po kami sa buong Pilipinas yong mga walang wi-fi,yong walang signal…Halimbawa isang probinsya we can give three channels or more pero pagbukas nila mapapanood niyo rin sa Maynila at buong Pilipinas,” ani Singson.

Handa umano si Singson na siya ang mag-provide ng lahat ng teknolohiya at sistema samantalang ang mga guro naman ang bahala sa magiging laman o content nito kung ano ang gusto ipalabas.

“I would like to have a briefing kay Briones para masabi namin itong programang ito na maganda para sa ating bansa. Tulong lang, hindi kami magnenegosyo, ang magagastos lang dito pag sa satelliteyon lang,” aniya pa.

Binigyang-diin ni Singson na hindi kailangan ng internet sa satellite.
“’Yong walang signal maglalagay lang ako ng parang magic box sa tv nila masasagap na nila. Yong sa urban area kausap ko rin po likeyong cable tv maglalagay lang ako satellite doon lahat ng may cable makukuha nila.

Sa remotest area ilalagay ko naman doon satellite, magic box maliwanag na maliwanag po hindi na kailangan ng wi-fi,” dagdag pa ni Singson.
Kung kaya’t nais umano niyang makausap si Briones para maiwasan ang sobra-sobrang gastos.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/satellite-sa-blended-learning-ng-deped-alok-ni-chavit/)

Walang komento