Recent Posts

Breaking News

Robredo: Daming iniisip ng gobyerno, pero hindi COVID-19

Hiling ni Bise Presidente Leni Robredo sa gobyernong Duterte, ibuhos na lang muna ang lahat ng atensiyon sa coronavirus pandemic.

Sinabi niya ito matapos mapaulat na 1,488 alkalde ang nagtutulak ngayon ng charter change, na nauna nang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Dapat yung parati natin ditong target, ang tinututukan natin ngayon, lahat ng makakatulong para mahinto na itong COVID transmission dito sa atin,” wika ni Robredo sa kanyang radio program, Linggo.

“Ang dami nating pinagkakaabalahan—anti-terror [law], pagpasara ng ABS-CBN—na hindi naman ito ‘yung sumasagot sa pagpapahinto ng COVID.”

“‘Pag tiningnan natin ‘yung ating numbers, ‘yung ibang bansa, paunti-unti nang bumabalik sa normal. Tayo, pinipilit nating bumalik sa normal, pero alam natin na hanggang pataas na pataas pa ‘yung ating numero, hindi tayo makakabalik.”

“So sana, ‘yung tinututukan natin ngayon, ‘yung lahat na all hands on deck. Sana tinitingnan natin, ‘yung COVID-19, kasi ang dami nang naghihirap dahil dyan. Ang dami nang trabahong nawala, ang dami nang negosyong nagsasara. Sana ‘yung inaasikaso natin, ‘yun, papano tayo lalong makakatulong,” aniya pa.

Sinabi rin niya na ang gagastusin para sa charter change, ilaan na lang para sa mga kagamitan at ayuda habang may pandemya.

“’Pag mag-charter change tayo, kailangan niyan ng referendum. Dun nakatuon ‘yung atensiyon ng lahat, hindi dito sa COVID-19. ‘Yung gagastusin natin para sa charter change, sana gastusin na lang natin sa testing kits, sa pagtulong sa ospital na ngayon ay isa-isa nang nagiging puno,” sabi ng VP.

“Sana ‘yun asikasuhin. Kung anu-ano iniisip na hindi naman makakatulong sa COVID.”

Kung gusto aniyang pag-usapan ang charter change, “edi pag-usapan, pero huwag naman sana sa panahon ngayon.”

Sa pahayag ng DILG, sinabing nagpasa ng resolusyon ang mga kasapi ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) upang maisulong ang Cha-cha.

Sinabi roon ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor at LMP national president Chavit Singson na gusto nilang lumaki ang kanilang share sa mga buwis na kinokolekta ng pambansang gobyerno, at alisin ang pagbabawal sa mga dayuhan na mag-invest at magmay-ari sa mga industriyang kasalukuyang limitado sa mga Pinoy.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/robredo-daming-iniisip-ng-gobyerno-pero-hindi-covid-191/)

Walang komento