Recent Posts

Breaking News

Plasma bank pag-asa laban sa COVID-19 – Marcos

Kailangang magtayo ang pamahalaan ng plasma banks sa lahat ng pampubliko at pribadong ospital sa bansa habang naghihintay ng epektibong bakuna laban sa COVID-19, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Sa mga medical research, ang yellowish liquid na bahagi ng dugo ng tao na tinatawag na plasma, na nakukuha sa mga pasyenteng gumaling sa coronavirus pandemics tulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), ay nakatulong mapababa ang bilang ng mga namamatay mula sa mga bagong pasyenteng nasalinan nito.

“May nakikita tayong pag-asa sa paggamit ng plasma bilang panlaban sa COVID-19, kasabay ng ginagawang clinical trials ngayon ng PGH (Philippine General Hospital). Kahit ang World Health Organization pinayagan ang paggamit ng plasma sa ibang pandemya tulad ng Ebola outbreak noon sa Africa,” sabi ni Marcos.

“Kailangang magkaroon tayo ng paghahanda na pangmatagalan. Kahit mga eksperto sa medisina hindi masagot kung hanggang kalian tatagal ang COVID-19 pandemic, gaano pa karami ang posibleng tamaan nito sa bansa at kailan magkakaroon ng bakuna,” saad pa nito.

Kaya inihain niya ang Senate Bill 1648, o ang Plasma Donation and Collection Act, para pasimulan ang pagkuha ng plasma sa mga donor at magkaroon ng pasilidad para rito ang mga ospital sa buong bansa, sa loob ng isang taon matapos mapagtibay ang nasabing batas.

Iaatang naman ng panukalang batas sa Department of Health ang pagbuo ng mga alituntunin kung sino ang maaaring maging donor at mga pamamaraan sa maayos na pagkuha ng plasma upang maiwasan ang mga naipapasang sakit.

Sabi pa ng senador, maiiwasan na ang mga napaulat na pagbebenta at pagbili ng plasma sa Central Visayas sakaling magpatupad ng mas malawak na sistema sa pagkuha at pag-donate ng plasma at magkaroon ang gobyerno ng maayos na paglalagakan nito.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/plasma-bank-pag-asa-laban-sa-covid-19-marcos/)

Walang komento