Recent Posts

Breaking News

Pero pwede pang ituloy: Baguio sinuspinde pagpuputol ni Villar ng puno

Inutusan ng Baguio City Council ang property company ni bilyonaryo Manny Villar na ipagpaliban ang pagpuputol nito ng mga puno sa Baguio.

“The suspension order would give the council more time to deliberate on the matter in aid of legislation,” ayon sa pahayag ng BCC, na binahagi sa Facebook page ni Mayor Benjamin Magalong.

Naunang binatikos ng mga residente ang pagsisibak ng kompanya ng 53 Benguet pine at isang Norfolk pine sa Purok 3, Outlook Drive para magbigay-daan sa isang building construction project.

Tiniyak naman ng Department of Environment and Natural Resources na dumaan ang kompanya sa wasto at mahigpit na proseso ng pagkuha ng mga dokumento para putulin ang sa nasabing lugar.

Ayon sa pahayag ng BCC, pinag-utos ni Vice Mayor Faustino Olowan sa Vista Residences Inc. na suspindehin ang pagpuputol ng natitirang 24 puno sa naturang construction site.

Bagaman sinabi ng Council na nananatiling nakatindig ang 24 sa 54 puno, winika ng DENR na pwede pa ring magpatuloy sa pagsisibak ang Vista Residences gayong nakakuha na ito ng Special Private Land Timber Permit.

“The trees may pose danger to lives and properties because they are hanging on steep slopes,” ani Ralph Pablo, DENR-CAR regional director.

Pinunto naman ng BCC na ayon kay Vista Residences Consultant Teresita Castro, mapapaso na ang nasabing permit bukas, Hulyo 15.

Asawa ni bilyonaryo Villar si Senadora Cynthia Villar, na chair ng Senate committee on environment and natural resources, at ng Senate committee on agriculture and food.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/pero-pwede-pang-ituloy-baguio-sinuspinde-pagpuputol-ni-villar-ng-puno2/)

Walang komento