Recent Posts

Breaking News

Pangangasiwa sa mga LSI sablay – Roque

Mismong opisyal ng Malacañang ang nagsabing may mali sa paghawak at pangangasiwa sa Hatid Tulong ng gobyerno para makauwi sa mga lalawigan ang libo-libong locally-stranded individual o LSI na nagkumpulan at nagsiksikan sa Rizal Memorial Stadium nitong weekend.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang sistemang ipinatupad ang mga nangangasiwa sa Hatid Tulong nang magdagsaan ang mga tao para makauwi sa mga lalawigan.

“Bulag naman ako kung sasabihin kong walang pagkakamali doon; mayroong pagkakamali doon. Dapat nagkaroon ng sistema na bagamat maraming tao sa Rizal Memorial Coliseum, dapat siniguro ang social distancing,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na kakausapin niya ang lead convenor ng Hatid Tulong na si Joseph Encabo para tingnan kung paano makatulong na maging maayos ang pangangalaga at pangangasiwa sa mga papauwiing mga LSI sa mga probinsiya.

Imumungkahi ni Roque kay Encabo na gawing bawat rehiyon na ang pagpapauwi para hindi sabay-sabay na magdagsaan sa lugar at mapanatili ang social distancing habang naghihintay ng maghahatid sa kanila sa mga lalawigan.

“Siguro po sa susunod kakausapin ko si Asec Joy at siguro gagawin nating regional na sa ganoon ay hindi magdagsaan lahat at magkaroon ng social distancing,” dagdag ni Roque.

Nag-viral sa social media at maging sa mga pahayagan at telebisyon ang kumpol-kumpol na mga LSI nitong weekend at hindi inalintana ang panganib ng posibleng kontaminasyon sa COVID-19 sa kagustuhan lamang na makauwi kaagad sa mga probinsya.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pangangasiwa-sa-mga-lsi-sablay-roque/)

Walang komento