Recent Posts

Breaking News

Palasyo tinangging nauubusan na mga kama sa ospital

Pinabulaanan ng Malacañang ang ulat na kinukulang na ng kama sa mga ospital sa bansa dahil sa tumataas na mga COVID-19 case.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi sinunod ng mga pribadong hospital ang inisyung direktiba ng Department of Health (DOH) na dapat maglaan ang mga ito ng 30% ng kanilang bed capacity para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Nabatid aniya ng Palasyo na 10% lamang ang inilaan ng private hospitals kaya mabilis mapuno ang mga ito.

“Hindi po totoo na nauubusan na ng mga kama sa hospital. Ang patakaran, nag-isyu ng administrative ang Department of Health (DOH) sa lahat ng hospital na ireserba ang 30% ng kanilang bed capacity para sa mga COVID cases,” ani Roque.

Ito aniya ang dahilan kaya nagpulong ang lahat ng medical directors nitong Lunes sa Metro Manila at nagkasundong sisikaping maitaas sa 20% ang kanilang bed capacity para sa COVID patients.

Sinabi ni Roque na walang problema sa public hospitals dahil talagang sinusunod ang 30% bed capacity.

Umaasa ang Palasyo na makikinig ang publiko sa mga panawagan ng gobyerno para sa tamang pag-iingat para mabawasan ang kontaminasyon sa COVID-19.

“Malayo pa ang danger level pagdating sa critical care capacity sa Metro Manila dahil malaki pa rin ang ating critical care capacity at nasa mga tao na ang tamang pag-iingat para hindi mahawa ng virus,” dagdag ni Roque.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/palasyo-tinangging-nauubusan-na-mga-kama-sa-ospital/)

Walang komento