Recent Posts

Breaking News

Pagkuwestiyon sa anti-terror law, hindi na bago- Palasyo

Inaasahan na ng Malacañang na dadagsa ang mga grupong kukuwestiyon sa legalidad ng Anti-Terrorism Law na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes, July 3.

Tugon ito ng Palasyo matapos maghain ng petisyon sa Korte Suprema ang isang grupo ng mga abugado, kasama na si dating Education Secretary Armin Luistro para kuwestiyunin ang bagong batas.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na hindi na ipinagtaka ng Palasyo ang aksiyon ng oposisyon dahil kahit bago pa man nilagdaan ang batas kontra terorismo ay nag-iingay na ang oposisyon.

Pinuna rin ni Panelo ang mga grupong naghain ng petisyon na aniya ay pare-parehong grupo at personalidad na laging kontra sa administrasyon.

“Eh yang mga kumokontrang yan, they are the same people who are against the President and this administration. Yang mga yan wala na silang nakitang kahit katiting na ginawa ng administrasyon kaya hindi na tayo nagtataka,” ani Panelo.

Malinaw aniya ang batas pero ang mga kritiko ang nagpapalabo nito kaya malaya silang maghain ng petisyon sa korte.

Sinabi ni Panelo na nakahanda ang gobyerno na sagutin ang lahat ng mga pagkuwestiyon patungkol sa anti-terror law.

“Ang problema ay napaklaro naman yung batas pero yung sa kanila kahit alam namang hindi totoo yung sinasabi nila, eh tinutuloy pa rin nila ang pagpapahayag ng mga maling interpretasyon,” dagdag ni Panelo.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/pagkuwestiyon-sa-anti-terror-law-hindi-na-bago-palasyo/)

Walang komento