Recent Posts

Breaking News

Online protest sa SONA hinimok ng PNP

Hinihikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga grupong nagpaplanong magsagawa ng kilos protesta sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin na lang nila ito online.

Ayon kay PNP Director General Archie Francisco Gamboa, ang kanyang apila sa mga protester partikular sa mga grupong laban sa Pangulo ay upang hindi nila malabag ang mga health protocol katulad ng mass gathering at social distancing dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo.

“Nakikiusap kami na kung pwede, just do it online because these are not ordinary times. We have a specific situation which is itong pandemic,” pahayag ni Gamboa sa virtual press briefing sa Camp Crame nitong Lunes.

“We hope everybody would cooperate because it’s not only for our own good but also for you and for others lalo na sa prohibition ng mass gathering,” dagdag pa ng opisyal.

Nakatakdang magsagawa ng kanyang ikalimang SONA si Pangulong Duterte sa Hulyo 27 sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City kaya nagsisimula nang makipag-usap ang kapulisan sa mga grupong nais magprotesta na magsagawa na lang ng online protest upang hindi na malabag ang mga health protocol na ipinatutupad dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon naman kay PNP Director for Operations Major General Emmanuel Luis Licup, mayroon nang inihahandang security measure ang National Capital Region Police Office (NCRPO) base sa scenario na ibinigay ng Presidential Management Staff (PMS).

Nabatid din na sa ikalimang SONA ni Pangulong Duterte, limitado lang ang maaaring dumalo na aabot lamang sa 50 katao at sasailalim ang mga ito sa COVID-19 rapid testing.

Dalawamput limang upuan áng nakareserba sa executive department, 13 sa Mababang Kapulungan at 12 sa Senado.

Bukod sa 50 executive official at mga mambabatas ay karagdagang 50 katao pa ang pinapayagan na makapasok sa loob ng venue na kinabibilangan ng mga security officer at mga staff ng mga mambabatas.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/online-protest-sa-sona-hinimok-ng-pnp/)

Walang komento