Recent Posts

Breaking News

Mindanao cong kay Duterte: Marawi City `wag sana kalimutan

Nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang mambabatas mula sa Mindanao para magtakda ng deadline sa rehabilitasyon ng Marawi City sa Lanao del Sur na matatandaang sinalakay at kinubkob ng teroristang Maute group noong Mayo 23, 2017.

Ayon kay House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman, inaasahan ng mga taga-Lanao na matapos na ang rehabilitasyon sa Marawi City kung saan tatlong taon na rin aniya ang lumipas subalit hanggang ngayon hindi pa rin nakakabalik ang mga residente ng lungsod.

Ayon kay Hataman, sa panayam sa Teleradyo Miyerkoles ng umaga, ang sinasabi aniya ni Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairman Eduardo del Rosario, na siya ring Task Force Bangong Marawi chairperson, ay tapos na ang clearing sa Marawi at gagawa na ng mga daanan.

Nabatid na nilinis na ang mga binombang bahay at ang next phase umano ay ang paggawa ng mga internal road sa loob mismo ng ground zero sa Marawi City.

Ang sinasabi aniya ng Task Force Bangon Marawi ay hindi pa makakabalik ang mga residente hangga’t hindi natatapos ang rehabilitasyon sa mga daan at pag-demolish sa mga bahay na nasira dahil sa giyera.

“Pero siyempre ang pinaka-isyu dyan paano `yong mga kababayan natin paano sila makabalik dyan sa ground zero?” sabi ng mambabatas.

Sa ngayon, sabi ni Hataman, ay pansamantalang nakatira muna ang mga lumikas na residente sa kanilang mga kamag-anak habang ang iba ay nasa mga shelter pero ilan lang aniya ang nandoon dahil ilan lang din ang nagawa. Ang iba naman ay pansamantalang naghahanapbuhay habang hinihintay na makabalik na sila sa Marawi City.

“Ang iba nandiyan nagsisigaw pa rin na dapat mabigyan na ng taning kung kailan sila makabalik sa loob ng ground zero,” aniya pa.
Pinangangambahan din ni Hataman na matagalan pa ang rehabilitasyon ng Marawi lalo ngayong nahaharap sa COVID-19 pandemic ang buong bansa.
“Baka ang focus na ng ating pamahalaan ay dito sa usaping pandemya, sa ating ekonomiy,” ani Hataman.

Kaya naman nanawagan sa pamahalaan ang mambabatas na huwag sana aniyang kaligtaan ang Marawi City dahil nangangamba rin ito na baka maging vulnerable ang mga kababayan nila doon sa recruitment ng mga terorista kapag hindi inayos ang lungsod.

Hiniling din nito na unahin din umano ang pagpapasa ng compensation bill para sa mga taga-Marawi na inihain ng ilang Muslim congressman at nakabinbin pa rin sa sub-committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mindanao-cong-kay-duterte-marawi-city-wag-sana-kalimutan/)

Walang komento