Recent Posts

Breaking News

Mga advocate ng clean energy dismayado sa SONA

Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga konsyumer at grupong nagsusulong ng malinis na kuryente sa kinalabasan ng State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes dahil sa kawalan ng mga plano para sa sektor ng enerhiya sa mga solusyong inilatag ni Pangulong Duterte sa paglaban ng bansa sa COVID-19.

Bago ang SONA, mariin nang isinusulong ng Power for People Coalition (P4P) ang mga reporma sa kuryente, ayuda para sa mga konsyumer, at pagpapalago sa renewable energy bilang susi sa pagbangon ng mamamayan mula sa COVID-19, at sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino sa hinaharap.

“Dismayado kami na hindi binigyang tibay ng pangulo ang direktiba niya sa Kagawaran ng Enerhiya noong nakaraang SONA na bawasan ang paggamit ng bansa sa coal. Ni hindi nabanggit ang pagpataw ng anumang parusa kay Secretary Al Cusi, na nanindigan sa pagpapatupad nito ng ‘technology-neutral approach’ kahit na direktang paglabag iyon sa panuto ng pangulo,” sabi ni Gerry Arances, Convenor ng P4P.

Pinuna ni Arances na hindi rin nabigyang pansin ang hirap na dinanas ng mga konsyumer sa sobra-sobrang paniningil ng Meralco habang quarantine.

Aniya, “Tiyak na hindi rin natutuwa ang mga konsyumer sa buong bansa na, bagaman sinabihan ng pangulo ang mga pribadong kumpanya ng kuryente na ayusing ang serbisyo nila, walang naibigay na katanggap-tanggap na resolusyon sa mga problema sa kuryenteng dinadanas natin ngayon. Hindi nabanggit ang abusadong paniningil ng Meralco, agarang ayuda para sa mga konsyumer na biktima ng kawalan ng kabuhayan dahil sa COVID-19, at renegosasyon ng mga kontrata sa kuryente na hindi makatarungan para sa mga konsyumer.”

Pinuri ng P4P ang pagkilala ng pangulo na kayang-kaya ng solar energy na mabigyan ng kuryente ang Last Mile schools, ngunit diniin ng grupo na hindi rin naman pahuhuli ang solar at iba pang renewable na enerhiya sa kakayahang magbigay ng kuryente sa mga pagawaan, kabahayan, at opisina sa mga siyudad, tulad ng coal o karbon.

Ayon sa kaniya, dahil dalawang taon na lamang ang natitira sa termino ng Pangulo, hindi na dapat siya nagpapatumpik-tumpik pa sa pagpapatupad ng reporma sa sektor ng enerhiya at paglipat sa mas malilinis na mapagkukuhanan ng kuryente.

“Wala na tayong oras para hintayin na mapagtanto ng pangulong hindi dapat piliin ang mahal at maruming mapagkukuhanan ng elektrisidad kung inamin na rin niya mismong hindi nito kayang solusyonan ang mga pangangailangan ng bansa. Kontradiksyon ito sa sinasabi niyang ‘non-negotiable’ ang pangangalaga sa mga likas-yaman natin. Hindi puwedeng sabihin ng gobyerno na mayroon na tayong ‘new normal’ habang hindi pa rin naman ito nakapagpapatupad ng mga repormang magbibigay solusyon sa mga luma na nating problema, Sa lagay natin ngayon, babalik lang din tayo sa ‘old normal’ na magiging mas mahirap na para sa mga marhinalisadong sektor,” dagdag pa ng Convenor ng P4P.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-advocate-ng-clean-energy-dismayado-sa-sona/)

Walang komento