Recent Posts

Breaking News

Meralco panagutin na sa anti-consumer billing – Hontiveros

Iginiit ni Senador Risa Hontiveros sa Energy Regulatory Commission at iba pang kaukulang ahenya ng gobyerno na magsagawa ng imbestigasyon at pag-aralan ang pagsasampa ng mga kaso laban sa Meralco dahil sa anti-consumer billing practice nito habang nasa krisis ang bansa sanhi ng COVID-19 pandemic.

“Ngayong panahon ng pandemya, huwag naman sana dumagdag pa ang overpriced at hindi malinaw na singil sa kuryente sa problema ng taumbayan,” ani Hontiveros sa pahayag na inilabas ng tanggapan nito.

Dapat aniyang gamitin ng gobyerno ang `full force of the law’ para matigil na ang mga pang-aabuso at kuwestiyonableng gawain ng mga power firm at iba pang public utility.

Iginiit ito ni Hontiveros sa pagdinig ng Senate committee on energy hinggil sa mga isyung may kinalaman sa power industry habang nasa gitna ng pandemya ang bansa.

“Kung may nalabag silang ERC order, Meralco should be immediately charged and penalized for its anti-consumer practices. Consumers deserve justice for being made to pay exorbitant power charges at a time when so many have lost their jobs and livelihood,” ani Hontiveros.

Binanggit ni Hontiveros na tambak na ang mga natatanggap na reklamo ng kanyang opisina mula sa mga kustomer ng Meralco.

“Base sa mga complaints na nareceive ng aming opisina, nakalagay sa June bill ng Meralco na hindi na ito kasama sa installment plan na pinapayagan ng pamahalaan, kaya dapat daw fully paid na by June 30.

Hindi rin malinaw kung estimate amount lang yung chinarge nila from February to April, or actual meter reading na siya,” ani Hontiveros.
Kinuwestyon ng senador kung sinasadya ba diumano ito ng Meralco para malito ang kanilang mga kustomer.

“Sadya bang ginawa ito ng Meralco para malito ang mga tao at mag-bayad sila ng buo at walang installment, labag sa utos ng ERC?” aniya pa.

Dagdag pasakit pa aniya sa mga kostumer ng Meralco na kapag nais nilang magtanong o magreklamo tungkol sa kanilang electricity bill ay pahirapan naman makakontak sa hotline nito habang mahaba naman ang pila ng mga tao sa mga opisina ng Meralco kung saan posibleng malalagay pa sa panganib ang kanilang kalusugan dahil patuloy pa ang banta ng COVID-19.

“Sa gitna ng madilim na yugto ng bansa, imbis na maging liwanag ang Meralco ay lalo pang ikinulong sa dilim ang mga Pilipino. Meralco, instead of standing with us, has decided to put profitability and its corporate interests first,” ayon pa kay Hontiveros.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/meralco-panagutin-na-sa-anti-consumer-billing-hontiveros/)

Walang komento