Recent Posts

Breaking News

Maritime Police chief, sarhento timbog sa pangongotong

Arestado ang hepe ng Maritime Police sa Masbate City at isa nitong tauhan sa isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police- Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) matapos kotongan ng P200,000 ang may-ari ng isang fishing boat na kanilang hinuli kapalit ng pagpapalaya sa mga hinuling tauhan at ng bangka.

Kinilala ni PNP-IMEG chief Brig. Gen. Ronald Lee ang mga suspek na sina Major John Murray Cutaran, hepe ng 502nd Maritime Police Station (MARPSTA) na nakabase sa Masbate City, at tauhan nitong si Staff Sgt. Rommel Naval.

“We have arrested another rogue police officers accused of extortion in line with our continuing implementation of PNP Chief Gen. Archie Gamboa’s directive to go after rogues in uniform regardless of their rank and stature,” pahayag ni Lee.

Ayon kay Lee, inaresto ang mga suspek sa entrapment operation ng mga tauhan ng PNP-IMEG kasama ang lokal na pulisya dakong alas-8:25 ng umaga nitong Linggo sa loob mismo ng tanggapan ni Cutaran sa 502nd MARPSTA na matatagpuan sa Pier Site sa Barangay Bapor.

Nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek matapos na humingi ng tulong ang may-ari ng F/B RAV na taga-Bantayan, Cebu na hinuli ng mga suspek sa Masbate City at kinulong ang 28 mga tauhan nito.

Napag-alaman na unang humingi ng P400,000 ang grupo ni Cutaran sa may-ari ng bangka na bumaba ng P200,000 kapalit ng pag-release sa fishing boat at pagpapalaya sa mga tauhan nito.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nakipag-ugnayan na ang boat owner sa PNP-IMEG at sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya sa Masbate City ay isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga ito matapos tanggapin ang P200,000 boodle money.

Samantala, dalawang tauhan pa ni Cutaran ang pinaghahanap ng pulisya na nakilalang sina Lt. Melencio Huela at PSSg Ronald Puerto.

Dinala ang mga nadakip na pulis sa Masbate Police Provincial Office para sa dokumentasyon at pagsampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa kanila.

Samantala, nanawagan naman ang PNP-IMEG sa mga may-ari at operator ng mga fishing vessel na iulat sa kanila ang mga ganitong pangyayari upang masugpo na ang mga tiwaling pulis.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/maritime-police-chief-sarhento-timbog-sa-pangongotong/)

Walang komento