Recent Posts

Breaking News

Malaking pagbabago sa COVID-19 response abangan – Roque

Magkakaroon ng mga pagbabago sa pagtugon ng gobyerno sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Roque, sa panayam sa telebisyon Miyerkoles ng umaga, sa Huwebes, Hulyo 30, ihahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga napag-usapan sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

“Recommendations will be finalized on Thursday. There will be major changes in our response to the pandemic,” sabi ni Roque.

Target aniya ng gobyerno na madagdagan pa ang bilang ng COVID test na sa ngayon ay umabot na sa 30,000 kada isang araw. Mas paiigtingin din ang contact tracing sa pamumuno ni Baguio City Mayor Benjamin Magalog.

Binigyang-diin ng kalihim na puwedeng manatili na lamang sa kanilang bahay ang mga mild at asymptomatic sa COVID-19 subalit ito’y kung mayroon silang sariling kuwarto at banyo.

“People will now see the difference in the response that we have which will be thoroughly invigorated. So the people will see testing beyond numbers they could have imagined,” sabi ni Roque.

Dadagdagan pa aniya ng gobyerno ang mga isolation facility ng 1,000 at kung hindi pa sapat ay maghahanap ng mga dormitory at eskuwelahan para ma-quarantine lahat ng mayroong COVID-19.

Gagamitin na rin aniya ang pool testing kung saan puwedeng isailalim sa isang COVID test ang 10 hanggang 20 katao.

Magpapakalat din aniya ng “army of volunteers” para magsagawa ng contact tracing katulad sa ginawa sa Thailand at Vietnam.

Sinabi pa ni Roque na gagamitin din ang itinayong drug rehabilitation center sa Nueva Ecija bilang isolation facility.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/malaking-pagbabago-sa-covid-19-response-abangan-roque/)

Walang komento