Recent Posts

Breaking News

Kaanak ng dalagitang tinumba sa Ilocos Sur, may death threats na

Habang gumugulong ang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng 15-anyos na umano’y ginahasa at pinatay ng dalawang pulis sa Ilocos Sur, ilang kamag-anak ng biktima ang nagsabing nakakatanggap na sila ng mga pagbabanta.

Ayon sa tiyahin ng biktima na si Melody Saniatan, kinailangan nilang umalis sa kanilang tinitirhan sa Cabugao, Ilocos Sur dahil sa takot sa kanilang buhay.

Si Saniatan ang nagsisilbing guardian ng biktima dahil nagtatrabaho ang ina ng huli bilang domestic helper sa Kuwait.

Kapwa sinibak na at nasa kustodiya ng Ilocos Regional Police Headquarters sa La Union ang mga suspek na sina Police Staff Sergeants Randy Ramos at Marawi Torda, kapwa nakatalaga sa San Juan Police.

Inalis din sa puwesto ang mga hepe ng Cabugao at San Juan Police.

Samantala, pinag-utos na ni Police Capt. Dennis Laño, bagong Cabugao Police chief, ang pagpapatrolya sa bahay ng biktima.

Hunyo 27 nang hulihin dahil sa paglabag sa curfew ang biktima kasama ang pinsan niyang 18-anyos habang nasa birthday party ng kaibigan sa Barangay Darao, San Juan.

Ayon kay Saniatan sa ulat ng Inquirer, dinala ng mga suspek ang dalawang hinuli sa isang beach kung saan umano pinagsamantalahan.

Nagsampa ng reklamo ang mga biktima kasama si Saniatan sa Cabugao Police pero Hulyo 2, binaril at napatay ng tandem ang dalagita habang pauwi ng bahay.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/kaanak-ng-dalagitang-tinumba-sa-ilocos-sur-may-death-threats-na/)

Walang komento