Recent Posts

Breaking News

J&T express ipapasara ni Duterte

Pinaiimbestigahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang courier service na J&T express matapos makatanggap ng mga reklamo at hindi pagiging magandang serbisyo ng kumpanya.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Martes ng gabi, sinabi ng Pangulo na inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para imbestigahan ang mga reklamong nawawala umanong padala, o kaya ay pinalitan umano ang laman ng package.

Pinasisilip na rin ng Pangulo sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kung nagbabayad ba ng tamang buwis ang nabanggit na kumpanya.

“Because of so many complaints I will close you down. Sigurado ‘yan, sasarhan talaga kita whether you like it or not after the CIDG and the NBI would finish their investigation and would point a liability sa inyo,” wika niua.

Hindi nakaligtas kay Duterte ang viral video ng J&T express sa social media kung saan nakitang inihahagis lamang ng mga trabahador ang mga package sa loob ng van habang ikinakarga ang mga ito.

Hinikayat niya ang mga may problema sa naturang kompanya na magsampa ng reklamo sa himpilan ng pulisya at kapag may mapatunayang anomalya ay ipapasara aniya niya ito at sasampahan ng kaso.

“Sa lahat ng may reklamo, go to the nearest police station, then file a complaint there-ang inyong affidavit, tapos tingnan ko. If I’m satisfied na medyo may kalokohan, ah sasarhan ko kayo and I will file charges also,” dagdag ng Pangulo.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/jt-express-ipapasara-ni-duterte/)

Walang komento