Recent Posts

Breaking News

Go sa mga biktima ng fake news: Huwag matakot, magreklamo kayo!

Hinikayat ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang publiko na sundin ang batas at gamitin ang karapatan na maghain ng reklamo kung naniniwalang biktima ng malisyoso o pekeng balita.

Ani Go, dinadaan niya sa legal na proseso ang kanyang reklamo para mabigyan ang akusado ng pagkakataong sumagot sa patas na paraan.

“Parte ng ating demokrasya ang karapatan ng taong naagrabyado ng isang kasinungalingan na maprotektahan ang kanyang sarili. Tulad ninyo, may pamilya at anak rin akong nasasaktan sa mga paninira na hindi naman totoo. Tulad ninyo, lahat naman tayo ay may karapatan magreklamo gamit ang legal na proseso,” pahayag ni Go.

“Sumusunod rin lang ako sa kung ano ang naaayon sa batas upang maprotektahan ang karapatan ko bilang isang mamamayan, kasama na rin dito ang pag-engganyo sa iba pang naging biktima ng fake news na huwag matakot na magreklamo rin,” dagdag niya.

Sabi pa ng senador, ilang post sa social media ang nagtulak sa kanya para dumulog na sa National Bureau of Investigation.

“Maraming inihain na reklamo ang mga abogado ko dahil sa mga social media post na malisyoso at fake news. Hindi ako titigil at patuloy akong magrereklamo gamit ang legal na paraan habang patuloy pa rin ang pagkalat ng paninira at kasinungalingan,” wika niya.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/go-sa-mga-biktima-ng-fake-news-huwag-matakot-magreklamo-kayo/)

Walang komento