Recent Posts

Breaking News

Ewan ko sa kanila! Poe duda sa ‘conscience vote’ ng Kamara sa ABS-CBN

Tila duda si Senadora Grace Poe kung nanaig ba ang ‘conscience vote’ ng mga kongresista matapos tuluyang ibasura ng House panel ang franchise application ng ABS-CBN Corporation.

“Ewan ko sa kanila kasi sila naman ang nakakarinig ng kanilang konsensiya. Pero marami doon sa mga bumoto laban sa prangkisa ng ABS-CBN,” pahayag ni Poe sa panayam ng CNN Philippines.

“Nagtaka lang ako kasi noong umpisa eh sila pa nga mismo ang nag-file ng bill to co-author the franchise of the ABS-CBN,” dagdag pa nito.

Noong Biyernes, pinagtibay ng House Committee on Legislative Franchises ang isang resolusyon na nagbabasura sa aplikasyon ng panibagong prangkisa ng network.

Umabot sa 70 kngresista ang bumoto pabor sa pagbasura ng prangkisa habang 11 naman ang kumontra, dalawa ang nag-inhibit at isa nag-abstain.

Sabi ni Poe, chair ng Senate committee on public services, may kakulangan din sa committee report ng House panel.

Halimbawa na aniya doon ang labor issue laban sa ABS-CBN na dapat niresolba sa Movie and Television Review and Classification Board.

Kung pinagbasehan aniya ang pag-isyu ng ABS-CBN ng Philippine Depositary Receipts o PDRs para hindi aprubahan ang prangkisa, marami media network ang lalabag dito at posibleng maharap din sa kanselasyon ng kanilang prangkisa.

Sabi ni Poe, may ilang network din umano ang nag-iisyu ng PDRs na pinapayagan ng Securities and Exchange Commission.

“It’s actually very short (committee report). It was very vague. I don’t know what the particular basis of Congress was in coming up with these alleged violations of ABS-CBN,” sabi ni Poe.

Binigyang-diin pa nito na mas makabubuti sana kung binigyan ng temporary permit ang ABS-CBN para sa kapakanan ng 11,000 kawani nito na nawalan na ngayon ng kabuhayan.

“Sapagkat ngayon, isang trabaho, limang trabaho, isang libong trabaho ay importanteng maisalba,” ani Poe.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/ewan-ko-sa-kanila-poe-duda-sa-conscience-vote-ng-kamara-sa-abs-cbn/)

Walang komento