Recent Posts

Breaking News

Esperon: Social media pwedeng basehan sa dadakpin sa Anti-Terror Act

Pwedeng gamitin ang social media para maging basehan para maituring ang isang indibiduwal bilang suspected terrorist.

Sa Laging Handa press briefing, kinumpirma ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na maaring tingnan ang mga online activity para masama ang isang tao sa pinagsususpetsahang terorista.

Ngunit nilinaw naman ni Esperon na hindi kaagad huhuliin ang isang suspek dahil may iba pang factor para maparusahan ang isang tao sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020.

“Hindi kaagad ay manghuhuli tayo dahil mayroon nang Anti-Terrorism Act,” lahad ni Esperon.

Aniya, ibabatay pa rin ng National Security Council ang kanilang listahan sa Security Council and Office of Counter-Terrorism ng United Nation.

Bago tuluyang maaresto ang suspek, kailangang maghain muna ng petisyon ang Justice Secretary sa Court of Appeals para makilala ang isang grupo o indibiduwal na terorista.

Kapag ito’y naaprubahan ay saka lang pwedeng gawin ang surveillance at pagdakip sa isang suspected terrorist.

Kaya naman pinanatag ni Esperon ang madla na huwag matakot sa Anti-Terrorism Act, na magiging ganap na batas sa July 18.

“Anong ikinakatakot nila? Itong ating law-abiding citizens ay walang dapat ikatakot dahil itong anti-terrorism law ay para sa kapakanan at seguridad ng law-abiding citizens,” saad ni Esperon.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/esperon-social-media-pwedeng-basehan-sa-dadakpin-sa-anti-terror-act/)

Walang komento