Recent Posts

Breaking News

ERC chief nadale ng `shock bill’ sinita Meralco

Mismong si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera ay na-shock sa taas ng babayaran niyang konsumo sa kuryente ng distribution firm ni Manuel V. Pangilinan nitong quarantine period.

Inihayag ni Devanadera sa Laging Handa public briefing Martes ng tanghali ang tinawag nitong “shock Meralco bill” sa kanya subalit hindi naman binanggit ng opisyal kung magkano ang inabot ng babayaran sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine.

Bago pa man aniya nangyari ang mga reklamo laban sa Meralco ay nag-isyu na ang ERC ng mga advisory sa mga distribution utility para na rin sa protekyon ng Meralco.

Sa kanilang advisory, nakasaad na ang bill noong ECQ period ay dapat hiwalay sa regular bill. Sinabi rin aniya nila sa advisory na dapat nakasaad din kung alin ang estimate doon sa bill kung saan ay pinagbabatayan ang average consumption sa nakalipas na tatlong buwan.

Kapag nagkaroon na aniya ng meter reading ay dapat itama ng Meralco ang kanilang bill at sinabihan ang mga distribution utility na huwag muna maniningil habang hindi pa inaalis ang quarantine.

Aniya, June 15 ang kauna-unahang date na puwedeng pagbayarin ang mga tao ng installment sa bill nila para sa mga buwan na mayroong ECQ (Marso, Abril, Mayo).

“Dapat bayaran ito into six equal monthly installment at ang unang installment papatak ng June 15. Sa regular bill naman (base sa meter reading) dapat June 30 `wag aagahan kesa doon,” ani Devanadera.

Subalit sa pagdinig aniya ng Senate committee on energy noong Lunes, hindi nagkaintindihan kung anong klaseng electricity bill ang sinisingil ng Meralco at pati estimated amount nadagdag na sa regular reading.

Humingi naman aniya ng paumanhin ang Meralco at mismong ang presidente nitong si Atty. Ray Espinosa nangakong sisiguraduhin nilang may “corrective measures” sa electricity bill na gagawin ang kompanya.

“Sabi naming sa ERC ipaliwanag niyo `to Meralco hindi puwedeng mangyari ito. Kinalabasan kahapon [Lunes] nagbitiw ng salita ang Meralco na gagawin nila ang corrective measures,” ani Devanadera.

Sa ngayon aniya, dapat resolbahin muna ng Meralco ang mga isyu sa electricity bill nila at kailangang i-refund ang mga sobrang singil sa kanilang mga kustomer.

Maglalabas din aniya ng kautusan ang ERC para sa Meralco refund sabay inatasan din ang nasabing kompanya na gumawa ng mga pamamaraan na magiging madali sa kanilang mga kustomer na mabawi ang sobrang siningil sa kuryente.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/erc-chief-nadale-ng-shock-bill-sinita-meralco/)

Walang komento