Recent Posts

Breaking News

Emission test suspindihin hanggang December 2020 – Rodriguez

Hiniling ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa Department of Transportation (DoTr) at Land Transportation Office (LTO) na suspindihin hanggang sa katapusan ng taon ang requirement na emission testing sa mga magpaparehistro ng kanilang sasakyan.

Nakapaloob ito sa inihain niyang House Resolution No. 1007 na nananawagan sa kapulungan na ipahayag ang nagkakaisa nilang kahilingan para suspindihin ang emission testing requirement.

Paliwanag ni Rodriguez ang kasalukuyang COVID-19 pandemic na kinakaharap ng bansa ay labis nang nakaapekto sa buhay ng mga Pilipino.

Dahil sa mga ipinatutupad na lockdown at quarantine, marami na aniyang transaksyon sa gobyerno ang natigil tulad ng pagpaparehistro ng mga sasakyan.

“With the easing of quarantines and travel restrictions,many vehicle owners are now having their vehicles registered, resulting in very long lines and unusual delays in the process of registration, especially in emission testing centers,” ayon kay Rodriquez.

Dahil sa mahabang pila, hindi na aniya nasusunod ang social distancing protocol kaya marami na ring kawani ng LTO ang dinapuan ng COVID-19.

Ayon kay Rodriquez, upang masolusyunan ang problemang ito at mas madali na sa mga may-ari ng sasakyan na makapagrehistro, dapat suspindihin muna ang emission testing requirement hanggang Disyembre 31, 2020.

Sa ganitong paraan, mabibigyan din aniya ng panahon ang DOTr at LTO para tingnan ang maraming reklamo at alegasyon laban sa mga pribadong testing center sa buong bansa.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/emission-test-suspindihin-hanggang-december-2020-rodriguez/)

Walang komento