Recent Posts

Breaking News

Duterte kay Tugade: NAIA ayusin para sa mga stranded

Inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na ayusin ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para magkaroon ng espasyo ang mga pasaherong stranded dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“Alam mo, I’d like to call the attention of Secretary Tugade. Art, alam mo ‘yang sa — ‘yang airport na ‘yan, kung sinong nag-design niyan g***. Sabihin mo sa kanya. Walang upuan. Iilan lang ang upuan. Pagka nagpa — ang mga flights nagpatong, ‘yung iba nakatindig sa,” pahayag ng Pangulo sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Pinakilos ng Pangulo si Tugade matapos aniyang makita sa mga diyaryo na maraming stranded na pasahero ang natutulog na lamang sa labas ng mga paliparan at pantalan.

Pinapaalis din ni Pangulong Duterte ang isang malaking restaurant aniya sa labas ng NAIA para malagyan ng mga upuan na magagamit ng mga pasaherong naghihintay pa ng kanilang flight.

“And what’s really worse is that mayroong restaurant diyan sa labas na malaki. ‘Di paalisin mo ‘yong restaurant lagyan mo ng upuan kasi ‘yong iba mga mayroong mga bata, buntis, walang upuan. Sino ba ang…?” sabi ng Pangulo.

Naaawa ang Pangulo sa mga stranded na pasahero na walang maupuan sa NAIA at napipilitan na lamang tumayo habang naghihintay ng flight samantalang iilan lang aniya ang pumapasok sa mga restaurant at iyong mga may pera lamang.

“Makita mo walang upuan. Kakaunti ang upuan tapos ‘pag na-delay ang flight p***** i** wala na, tindigan na lahat. Sa labas may mga restaurant, ang lalayo ng table. Eh ilan lang man ang gumagamit, ‘yong may pera lang,” galit na pahayag ng Pangulo.

Isa aniyang “classic case” ito ng kapabayaan ng gobyerno at inabot pa ng kanyang administrasyong ang problema subalit hindi naman siya naghuhugas-kamay.

“Art, lagyan mo ng silya lahat ‘yan. Iyang restaurant diyan kung ma-terminate mo contracts, terminate them because I need them to seat the passengers waiting. Nandiyan lahat eh. Ang PAL nga PAL nga sa punong-puno maraming tumitindig,” ani Pangulong Duterte.

Inatasan din ng Pangulo si Tugade na paghintayin na lamang ang ibang stranded na pasahero sa NAIA Terminal 1 kung saan wala na aniyang masyadong gumagamit at maglaan ng sasakyan para hindi maglakad papunta sa naturang terminal.

“Isang kilometro ‘yan pagpasok mo. Kung maglakad ka then may mga restaurant, iilan lang ‘yan. Eh ‘yung hamburger, mga fruit stand — ay fruit stand, oh puwede rin kung papayag ang quarantine. Ang quarantine na opisina,” aniya pa.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/duterte-kay-tugade-naia-ayusin-para-sa-mga-stranded/)

Walang komento