Recent Posts

Breaking News

Drilon sa DOH: Asan P45B para sa COVID-19 response?

Tiniyak ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kanilang gigisahin si Health Secretary Francisco Duque III sa nalalapit na budget hearing ng Senado hinggil sa inilaang P45-bilyong pondo para tugunan ang COVID-19 pandemic sa bansa.

“Yes, ngayon pa lang itinatanong na naming at pagdating ng budget itatanong ulit naming. Kasama sa itatanong namin ay kung paano n’yo ba ginastos ang mahigit P45-B pondo para sa COVID-19,” pahayag ni Drilon sa panayam sa GMA News TV.

Kailangan aniyang malaman kung saan napunta at kung paano ginastos ang nasabing pondo para sa COVID-19 response.

“Sila ang may pinakamalaking budget kaya gusto kong malaman at paano ginastos ito. Saan napunta? Kailangan natin ito pero ang tanong, paano ba ginastos ito?” sabi ni Drilon.

“May karapatan ng taumbayan para malaman ito. Hindi naming sinasabing ninakaw. Ang sinasabi natin ay they should account for it. Sang-ayon sa aming research, malaki ang napunta sa PPP at test kits: sino ba ang nag-supply, tama ba ang presyo? Tanong pa nito.

Nauna rito, kinondena ni Drilon ang DOH dahil sa hindi pag-aksiyon nito sa local-manufactured na testing kits na naimbento ng University of the Philippines (UP) na ngayon ay inaamag lang sa mga warehouse.

“Ito po ay kinokondena natin. Ito po ay kitang-kita ang inaction ng DOH. Lalo na rito, ito ay Filipino invention. Paano naman natin matutulungan ang ating mga kababayang professional at scientist,” ani Drilon.

“Kung hindi sila binibigyan ng priority. Dito hindi naman priority ang hinihingi, action lamang para makapagbigay ng test kit at equipment sa mas murang halaga,” wika pa nito.

Sa ngayon, ang ginagamit ng DOH ay ang mas mahal na brand mula China at Korea na nagkakalahaga ng P4,000 hanggang P8,000 kada testing kit.

Ang locally-made testing kits ng UP ay P1,320 lang bawat isa.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/drilon-sa-doh-asan-p45b-para-sa-covid-19-response/)

Walang komento